Nagmartir sa Pananampalataya Nila!
MAAGANG-MAAGA noon ng Linggo ng umaga. Isang pulutong ng mga mang-uumog na may 500 katao ang pumalibot sa isang bahay sa nayon ng Pangi, sa lalawigan ng Kivu, Zaire. Mga Kristiyanong natutulog nang payapa sa tahanan ang marahas na ginising ng nagkakaingay na pulutong at kanilang buong lakas na pinagkakalampag ang pinto. Ang resulta? Pitong lalaking Kristiyano ang kinaladkad palabas, walang-awang ginulpe at sapilitang pinaglakad na may pitong kilometro (4 mi) tungo sa nayon ng Kilungulungu sa kalagitnaan ng gubat.
Ang mapayapang mga Kristiyanong lalaking ito ay ginilit ang kani-kanilang lalamunan at ang isa ay pinagputul-putol ang katawan. Ang kanilang mga bangkay ay inilibing sa ilog pagkatapos na paurungin ang tubig para sa kalupitang iyon. Pagkatapos ay muling pinaagos ang tubig, at umagos ang ilog hanggang sa matakpan ang libingan nila, kaya’t walang naiwang bakas tungkol sa kakila-kilabot na krimeng iyon!
Bakit Pinatay ang mga Walang-Sala?
Ang pagpatay na ito sa tapat na mga Saksi ni Jehova ang sukdulan ng sunud-sunod na pag-uusig na nagsimula noong 1978 sa buong lalawigan ng Kivu na doo’y nananaig ang tribong Rega. Bakit nangyari ang ganoong pagpatay? Sapagkat ang mga Saksi ni Jehova ay tumanggi na sumunod sa “Kimbilikiti.” Ang mga lider ng relihiyong ito ng mga Waregas ay naniniwala na ang mga Saksi ang nagbibigay ng pinakamalaking panganib sa kanilang buong tribo at samakatuwid ay kinakailangang iligpit.
Noong 1978 hanggang 1983 maraming mga Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova ang pinagsusunog ng panatikong mga miyembro ng relihiyong ito. Kanilang pinagbantaan ang maraming Saksi, pinalayas nila sa mga tahanan ang mga Saksi, at kinumpiska ang kanilang mga ari-arian. Malimit na sinisikap nilang lipulin ang mga Saksi sa pamamagitan ng pangkukulam at engkanto. Palibhasa’y walang nagtagumpay isa man sa mga pamamaraang ito, ang mga mang-uusig ay gumamit na ng marahas na pagpatay.—Ihambing ang Bilang 23:23.
Ang Kakila-kilabot na Krimen
Tingnan natin nang malapitan ang kalunus-lunos na mga pangyayaring ito noong Linggo, Agosto 14, 1983. Kung tutunghayan natin ang 1983 Yearbook of Jehovah’s Witnesses, anong pagkaangkup-angkop ngang teksto at komento para sa araw na iyon! Nang araw bago paslangin ang pitong tapat na mga lalaking Kristiyano, karamihan ng mga miyembro ng maliit na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Pangi ay nangaglakad galing sa palibot na mga nayon upang dumalo sa kanilang pulong kung Sabado. Silang lahat ay doon na nagsituloy para lumahok sa kanilang pulong sa Linggo ng umaga para sa pagsamba. Pito katao ang nakituloy sa bahay ni Kalumba Malumalu, isang buong-panahong ministro at punong tagapangasiwa ng kongregasyon. Lahat-lahat sila ay mayroong 11, kasali na si Brother Malumalu, ang kaniyang asawa, at ang kanilang dalawang maliliit na anak. Lima pang iba ang tumuloy sa bahay ni Brother Kikuni Mutege.
Pagkatapos ng pulong noong Sabado, ang mga Saksi ay masayang nagtipun-tipon sa palibot ng isang nagniningas na apoy, sila’y nag-aawitan ng mga awiting pang-Kaharian at naglalahad ng kani-kanilang karanasan. Napansin nila ang pangkat-pangkat na mga tao na dumaraan, pawang patungo sa direksiyon ng isang nayon dalawang kilometro (1.2 mi) ang layo sa Pangi. Paano kaya malalaman ng mga Saksi kung ano ba ang ibig sabihin ng ganoong pagtitipon ng kanilang mga kaaway?
Nang mga alas singko kinabukasan ng umaga ang bahay ng punong tagapangasiwa ay pinalibutan ng isang pulutong na pinangunguluhan ng Group Chief, si Mulamba Musembe. Iniutos na sina Brother Kampema Amuri at Waseka Tabu ay sumama sa kanila at pupunta sila sa Chief of the Collectivity (Katunda Banangozi) upang magsagawa ng “Salongo” (sapilitang trabaho sa komunidad para sa paggawa ng mga kalye, mga tulay, at iba pa). Ipinaliwanag nang magalang ni Brother Kampema na nakipag-ayos na sila kay Chief Katunda upang kinabukasan gawin ang trabahong iyon. Subalit ang palagay ng Group Chief ay isang pagpapakita ng kawalang-galang ang ganitong pagtugon at iniutos niya na gulpihin si Brother Kampema. Ito’y sinundan ng isa pang utos na gulpihin ang mga ibang kapatid na lalaki.
Sa puntong iyan natalos ng mga mang-uumog na iyon na si “pastor” Kalumba Malumalu (na punong tagapangasiwa) ay bumalik sa kaniyang bahay. Kayat silang lahat ay dumagsa sa bahay hanggang sa maigiba nila ang isang dingding niyaon. Sa ganoon, marami sa kanila ang nagdagsaan nang pagpasok sa loob at doo’y natagpuan nila si Brother Malumalu. Sa ganoong kaguluhan ang mga kapatid na babae ay nangasaktan, subalit sila pati ang kanilang mga anak ay nakatakas din at sila’y doon tumungo sa hepe ng lokal na pulisya para sila’y mabigyan ng proteksiyon.
Samantala, dalawang kapatid na lalaki na tumutuloy sa kabilang bahay ang nakatakas. Isa sa kanila (si Hemedi Mwingilu) ay nagkubli sa isang bahay at pinanood niya ang nangyayaring iyon. Yaong isa pang kapatid (si Lulima Kazalwa) ay nakatakas at nagtungo sa gubat.
Sa wakas, pitong kapatid ang sinunggaban, ginulpe, at dinala samantalang nakagapos ang kanilang mga kamay. Sa loob ng buong paglalakad na iyon na may limang kilometro (3 mi) samantalang papunta sila sa gubat malapit sa Kilungulungu, sila’y pinagmalupitan ng mga umuusig sa kanila. Bagamat ang mga kapatid ay halos walang malaytao nang sumapit na sila roon, disidido sila na huwag kumumpromiso sa kanilang pananampalataya—at iyon ay sa kabila ng napipintong kamatayan nila. Sila’y humarap sa kamatayan nang buong katapangan at nang may dangal, gaya rin ng napakaraming mga tapat na Kristiyano noong sinauna at sa modernong panahon na ito.—Mateo 24:9; Apocalipsis 2:10.
Hindi nagtagal at isa pang kapatid, si Amisi Milende, ang pinatay. Siya’y nasa biyahe patungo sa Kama, subalit mga lalaking sinugo roon ang naparoon at umaresto sa kaniya at ginapos siya upang dalhin sa Binyangi (15 kilometro [9 mi] ang layo sa Pangi) upang humarap kay Kibonge Kimpili, isa pang Group Chief. Samantalang hinihintay niya ang pagdating ng Chief, ang masigasig na Saksing ito ay nagpatibay-loob pa sa isa sa kaniyang mga pininsan at sinabi niya sa mga mang-uusig na bagamat siya’y mamatay, kaniyang hihintayin lamang na buhayin siyang mag-uli ng Diyos na Jehova sa lupang ito na magiging isang paraiso. Ang tapat na binatang ito ay pinatay ng maraming lalaki. Ang kaniyang sariling tiyuhin ay kasapakat sa pagpatay na ito; ang tiyuhing ito ay galit na galit sa kaniya dahilan sa dalawa sa mga anak nito ang naging mga Saksi ni Jehova sa pamamagitan ng tulong ni Brother Milende. Sa katunayan, ang dalawang anak na ito, si Malala Ramazani at Akilimali Walugaba, ay kabilang sa pitong iba pang mga Saksing pinagpapatay!
Kumusta Naman ang mga Nakaligtas?
Ang ibinunga ng kalunus-lunos na mga pangyayaring ito ay ang pagkamatay ng walong lalaki na nakaiwan ng mga naulila. Ang mga nakaligtas naman at ang iba pang mga Saksi sa pook na iyon pati mga taong interesado ay naging tudlaan ng ibayong pagkapoot. Kaya’t sila ay tumakas tungo sa Kindu, ang pinakamalapit na malaking bayan, at inasikaso naman sila ng mga miyembro ng tatlong kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova roon. Ang tanggapang sangay ng Watch Tower Society sa Kinshasa ay tumulong din sa mga naulilang ito sa pamamagitan ng pagpapadala sa kanila ng mga damit, mga blangket, at salapi. Ang maibiging tulong na ito ay lubhang pinahalagahan at ang ibinunga’y isang mainam na pagpapatotoo sa di-kapananampalatayang mga miyembro ng pamilya at iba pang mga tagapagmasid. (Juan 13:34, 35; Santiago 1:27) Ang mga autoridad ng gobyerno ay nakialam din. Ang mga kriminal ay inaresto at inihabla sa hukuman.
Ang nakagigitlang mga pangyayaring ito ay nagharap ng maraming tanong. Ano bang uri ng relihiyon ang Kimbilikiti? Ano ba ang kaurian ng mga paniniwala at mga gawain na nasa likod ng ganitong uri ng pag-uusig? At bakit tanging ang mga Saksi lamang ni Jehova at wala ng ibang relihiyon ang kinapopootan na gaya nito?
[Larawan sa pahina 3]
Nayon ng Pangi
[Larawan sa pahina 4]
Landas patungo sa pagpápatayán