Mga Presentasyong Nakatatawag ng Pansin
1 Ang mga presentasyong nakatatawag ng pansin ay yaong nagpapakitang ang paksa ay angkop sa maybahay, bagay na kailangan o magagamit niya. Tulungang makita ng maybahay na, “Ito’y para sa akin.” Sa paghahanda ng presentasyon, dapat nating tanungin ang ating sarili: ‘Anong mga paksa ang ikinababahala ng mga tao sa aking teritoryo? Ano ang kailangan nila? Papaano ko ihaharap ang pabalita upang ipakita na nasa isipan ni Jehova ang kanilang mga pangangailangan?’ Nakatala sa ibaba ang ilang mga bagay na dito’y interesado ang mga tao sa ngayon. Maaari ba ninyong gamitin ang isa sa mga ito sa inyong presentasyon? Pansinin din kung papaanong ang mga punto mula sa pinakahuling Bantayan ay maaaring iugnay.
2 Pagkabahala sa Kawalan ng Kaligayahan: “Kami ay nakikipag-usap sa mga tao na nababahala sa mga suliranin ng buhay sa ating komunidad. Marami ang hindi talagang maligaya sa kanilang buhay. Sa palagay kaya ninyo’y posibleng magkaroon ng isang buhay na talagang maligaya? [Hayaang sumagot.] Ang isa sa mga susi ng kaligayahan ay masusumpungan sa Bibliya sa Apocalipsis 1:3. [Basahin.] Ang pagkaunawa sa sinasabi ng Apocalipsis hinggil sa kinabukasan ay maaaring magdala sa inyo ng kaligayahan. Pansinin ang isa lamang sa mga hula nito.” Basahin ang Apocalipsis 21:3, 4 at pagkatapos ay bumaling sa pahina 14, parapo 23 ng Abril 1, 1992 ng Bantayan.
3 Pagkabahala sa Hinaharap: “Sinisikap naming ibahagi sa aming kapuwa ang isang positibong pangmalas sa kinabukasan. Gayon ba ang paraan ninyo ng pagtingin sa buhay? [Hayaang sumagot.] Ayon sa Bibliya, tayo’y di masisiraan ng loob kung ating gagawin ang sinasabi ng Apocalipsis 1:3.”
4 Pagkabahala sa Pagkakaroon ng Mabuting Kalusugan: “Marami sa ating kapaligiran ang nababahala sa pagkakaroon ng mabuting kalusugan. Gayumpaman, sa kabila ng mga pag-iingat, tayo’y nagkakasakit pa rin. Nais ba ninyong mabuhay sa isang sanlibutan na doo’y magtatamasa ang lahat ng sakdal na kalusugan at kalakasan? Ipinakikita ng Bibliya na iyon ay malapit nang ilaan ng Diyos.” Basahin ang Isaias 35:5, 6 at bumaling sa mga parapo 7 at 8 sa mga pahina 10 at 11 ng Abril 1 ng Bantayan hinggil sa mga paglalaan para sa buhay sa Isang Libong Taóng Paghahari ni Kristo.
5 Pagkabahala sa Polusyon at Kapaligiran: “Sa pakikipag-usap sa ating mga kapitbahay, nasumpungan namin na marami ang nababahala hinggil sa pagpaparumi sa ating hangin, tubig, at pagkain. Sa palagay kaya ninyo’y mapahihinto pa ito ng mga pamahalaan? [Hayaang magkomento.] Nakapagpapasiglang makita mula sa Bibliya na layunin ng Diyos na gawin ng mga maaamo ang lupa na isang paraiso, gaya ng ipinakikita ng Isaias 65:17-25.” Maaari kayong bumaling sa parapo 11 sa pahina 11 sa Abril 1 ng Bantayan.
6 Habang pinagsisikapan ninyong abutin ang puso ng inyong mga tagapakinig, yaong mga nagugutom sa katotohanan at katuwiran ay tutugon.—Mat. 5:3, 6.