Pagsikapang Makasumpong ng Taingang Nakikinig
1 Ang kaisipan ng maraming tao na ating nasusumpungan sa ministeryo sa bahay-bahay ay salat sa espirituwal na mga bagay. Sila’y maaaring okupado sa kanilang personal na mga problema. Upang mapasimulan ang pag-uusap, kadalasang ang pinakamabuti’y pag-usapan muna ang mga bagay na doo’y interesado ang marami sa lugar na iyon. Ang mga katanungan ay maaaring gamitin upang antigin ang interes. Ang mga punto-de-vistang tanong na hindi maglalagay sa mga tao sa kahihiyan ay napakabisa.
2 Maaari kayong makasumpong ng taingang nakikinig sa paggamit ng ganitong paglapit:
◼ “Magandang umaga po. Ang pangalan ko ay ․․․․․․․. Dito rin ako naninirahan. Ang karamihan sa aking nakausap sa umagang ito ay nababahala hinggil sa [banggitin ang pangyayaring naganap kamakailan lamang sa komunidad o bagay na ikinababahala ng mga taga-roon]. Sa palagay kaya ninyo’y nilayon ng Diyos na maging ganito ang daigdig?” Hayaang sumagot. Sa puntong ito ay maaaring gamitin ang tract na Ang Buhay sa Mapayapang Bagong Sanlibutan. Isaalang-alang sa maikli ang ilustrasyon sa pahina 1 at ang impormasyon sa parapo 1-3 habang ipinahihintulot ng panahon. Kung makuha na ang interes, maaaring iharap ang aklat na Mabuhay Magpakailanman. Maaari ninyong akayin ang pansin sa Awit 37:9, 10 gaya ng pagkasipi sa pahina 157 at basahin iyon mula sa aklat. Ginagamit ang larawang-guhit sa pahina 156-7, ipaliwanag ang matuwid na mga kalagayang iiral sa buong lupa kapag wala na ang kabalakyutan.
3 Laging maging handang ialok Ang Bantayan at Gumising! Ang mga tao saanman ay nababahala sa pagguho ng moral. Habang binabasa ninyo ang Setyembre 8 ng Gumising!, piliin ang mga puntong sa palagay ninyo’y aantig ng interes ng mga tao sa inyong teritoryo. Magsalita nang positibo hinggil sa mga kapakinabangan ng pagsunod sa payo ng Salita ng Diyos. Sa bandang pagtatapos ng buwan, kapag inihaharap ang Setyembre 22 ng Gumising!, itawag-pansin ang isang artikulo na nagtatampok ng payo ng Bibliya sa mga bagay na nakakaapekto sa atin. Ang kasalukuyan at ang mga matatandang isyu ng Ang Bantayan at Gumising! ay maaaring gamitin sa anumang panahon bukod pa sa mga pantanging araw na inilaan sa pag-aalok ng mga magasin.
4 Tandaan na ang ating tunguhin ay upang antigin ang interes sa pabalita ng Kaharian. Upang magawa ito kailangan muna nating kunin ang atensiyon ng maybahay at pukawin ang kaniyang kaisipan. Ito’y magpapangyaring ang tulad tupang mga tao ay magkaroon ng pagnanais na makinig pa nang higit hinggil sa layunin ni Jehova para sa sangkatauhan.—Awit 85:8.