Paghahanda—Susi sa Tagumpay
1 Ang patiunang paghahanda ay tutulong upang mapagtagumpayan ang anumang pagkatakot na maaari ninyong madama sa pakikibahagi sa paglilingkod sa larangan. Habang kayo ay papalapit sa mga pintuan, alam ninyo kung ano ang inyong sasabihin sa mga maybahay. Hindi kayo kailangang matakot sa pagsagot sa mga pagtutol. Oo, ang lubusang paghahanda ang susi upang mapatalas ang ating mga kakayahan sa pangangaral at pagtuturo.
2 Tayo’y hinimok ni Pablo na pangyarihing ang ating “mga paa ay nasusuutan ng kasangkapan ng mabuting balita ng kapayapaan.” (Efe. 6:15) Sinasaklaw nito ang paghahanda ng ating isip at puso at pagkakaroon ng isang positibong pangmalas. Kapag tayo’y handa, gagantimpalaan tayo ng bunga ng Kaharian, na magpapaligaya sa atin.—Gawa 20:35.
3 Papaano Maghahanda Para sa Ating Gawaing Pangangaral: Dapat nating piliin ang presentasyon na doo’y magiging palagay tayo, marahil yaong mula sa aklat na Nangangatuwiran o doon sa huling pahina ng Ating Ministeryo sa Kaharian. Bigyan ng maingat na pansin ang kasulatang pinaplano ninyong gamitin, na tinitiyak kung anong mga salita o parirala ang idiriin ninyo upang palitawin ang inyong pangunahing punto. Hindi mabuting sauluhin ang presentasyon; sa halip, pinakamabuti na ipasok ang idea sa isipan at ilagay iyon sa inyong sariling mga salita sa nakaaakit na paraan.
4 Suriin ang publikasyong inyong planong ialok, at piliin ang mga punto na sa palagay ninyo ay lilikha ng interes sa mga tao sa inyong teritoryo. Pag-isipan kung papaano ninyo ibabagay ang inyong presentasyon sa iba’t ibang maybahay—isang lalaki, isang babae, isang matandang tao, o isang kabataan.
5 Nasubukan na ba ninyong magkaroon ng sesyon ng pagsasanay? Makipagtipon kasama ng mga miyembro ng pamilya o ng iba pang mamamahayag at talakayin kung anong mga presentasyon ang magiging mabisa, at pagkatapos ay insayuhin ang mga ito nang magkakasama upang ang mga ito ay maikintal na mabuti sa isipan ng lahat. Subuking gumamit ng aktuwal na mga kalagayan at mga pagtutol na nasusumpungan sa teritoryo. Mapasusulong ng gayong pagsasanay ang inyong katatasan sa pagsasalita, gagawin nitong higit na mabisa kayo sa pangangaral, at patitibayin ang inyong pagtitiwala.
6 Bukod sa paghahanda at pagsasanay ng inyong presentasyon, dapat din ninyong itanong sa sarili, ‘Ang damit ba na pinaplano kong isuot ay angkop sa ministeryo? Ang mga kailangan ko ba ay nasa aking bag, lakip na ang literatura na pinaplano kong gamitin? Nasa mabuti ba itong kalagayan? Taglay ko ba ang aking aklat na Nangangatuwiran, mga tract, mga house-to-house record, at isang panulat?’ Ang maingat na pagpaplano nang patiuna ay makaaabuloy sa isang mas mabungang araw ng paglilingkod.
7 Pagkatapos nating gawin ang pinakamabuti na maaari nating gawin upang ihanda ang ating sarili, dapat tayong manalangin ukol sa espiritu ni Jehova upang tulungan tayo na maging matagumpay. (1 Juan 5:14, 15) Ang pagbibigay-pansin sa paghahanda ay magdudulot ng higit na kagalakan sa ating gawain, habang ‘lubusan nating ginaganap ang ating ministeryo.’—2 Tim. 4:5.