Gumawa ng Mabibisang Pagdalaw Muli
1 Ang pagsasagawa ng mga pagdalaw muli ay mahalagang bahagi ng ating banal na paglilingkuran bilang “mga kamanggagawa ng Diyos.” (1 Cor. 3:6-9) Ang ating mabuting paghahanda ay nagpapaaninaw sa taimtim na interes sa ating mga dinadalaw habang tinatalakay sa kanila ang isang kaakit-akit na paksa sa Bibliya.
2 Maging espesipiko; magbangon ng mataktikang mga tanong.
Batay sa inyong nota sa nakalipas na pagdalaw, maaari ninyong sabihin:
◼ “Sa palagay kaya ninyo’y higit na makahulugan ang inyong panalanging dumating nawa ang Kaharian ng Diyos mula nang pag-usapan natin ito noong nakaraang linggo?”
Ang palakaibigang anyo ng mukha at tono ng boses ay nagpapakita ng ating taimtim na interes kapag ibinabangon ang gayong mga katanungan.
3 Huwag Mag-apura; Pakinggan ang Sinasabi ng Maybahay. Kung pakikinggan natin ang sinasabi ng maybahay at pag-iisipang mabuti ito bago sumagot, makikita ang ating tunay na interes sa kaniya bilang indibiduwal. Batay sa kaniyang sinabi, maaari kayong magbigay ng maka-Kasulatang punto kaugnay doon sa inyong unang pagdalaw. Maging handa na may maituro sa maybahay sa tuwing kayo’y dadalaw. Kung nagbangon ng di-inaasahang paksa, pagkakataon ito na gamitin ang aklat na Nangangatuwiran upang hanapin ang kinakailangang impormasyon.
4 Kung ang naipasakamay ninyo ay Mayo 1, 1992 ng “Ang Bantayan,” maaari ninyong sabihin:
◼ “Noong nakaraan, ating napag-usapan ang taóng 1914. Mula noon maraming mga pagbabago ang naganap sa mga pamamahala. Ngunit nasapatan ba ng mga pagbabagong ito ang pangangailangan ng tao, o magagarantiyahan ba ng mga ito ang namamalaging kapayapaan? [Hayaang magkomento.] Pansinin kung paano tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na manalangin para sa isang pamahalaan na makalulutas ng malulubhang suliraning napapaharap sa atin ngayon. [Basahin ang Mateo 6:9,10.] Ano sa palagay ninyo ang maisasakatuparan ng Kaharian ng Diyos? [Hayaang magkomento.] Ang paliwanag ng Bibliya ay tunay na kapanapanabik.” Pagkatapos ay basahin ang Daniel 2:44. Maaari ninyong gamitin ang ilustrasyon sa pahina 12 at 13 ng aklat na Mabuhay Magpakailanman upang ipakita ang mga kalagayan na maaasahan sa ilalim ng Kaharian ng Diyos.
5 Kung ang naipasakamay ninyo ay Mayo 8, 1992 ng “Gumising!,” maaari ninyong sabihin:
◼ “Nang huli ko kayong dalawin, napag-usapan natin ang tungkol sa mga taong nangingibang bansa upang matakasan ang kawalang katarungan at pagdurusa. Iniisip ba ninyo na ang Diyos ay tunay na nagmamalasakit sa mga tao na nagtitiis sa kamay ng kanilang kapuwa?” Batay sa kanilang pagtugon, maaari ninyong ibahagi ang Eclesiastes 4:1 o ang Awit 72:12-14. Pagkatapos maaari kayong bumaling sa pahina 15 ng brochure na “Narito!” at basahin o buurin ang tatlong parapo sa pahinang yaon, na ginagamit ang mga tanong sa bawat parapo.
6 Patuloy tayong magpakita ng personal na interes at isaisip ang mga kapanapanabik na mga paksa sa Bibliya para talakayin upang ang ating mga pagdalaw muli ay maging matagumpay.