Pakikinabang Nang Lubusan Mula sa 1993 “Banal na Pagtuturo” na Pandistritong Kombensiyon
1 “Turuan mo ako, Oh Jehova.” (Awit 86:11) Ito ang dapat na maging taimtim na pagsusumamo ng bawat nag-alay na lingkod ng Diyos. Tayo’y determinadong hindi kailanman hihinto sa pag-aaral at hindi kailanman hihinto sa pagkakapit ng ating natututuhan. Sa pana-panahon tayo’y kailangang ituwid, at gaya ng salmista, kailangan nating magsumamo sa Diyos na pagkaisahin ang ating puso upang hindi mahati. Ang programa sa “Banal na Pagtuturo” na Pandistritong Kombensiyon ay maglalaan ng praktikal na pagtuturo at pagbabago na kailangan natin upang paglingkuran si Jehova nang may katapatan sa kabila ng mga panggigipit ng sistemang ito ng mga bagay.
2 Apat na Araw na Kombensiyon: Ang programa ay ihaharap sa 36 na iba’t ibang lugar sa buong Pilipinas. Ang tatlo sa mga kombensiyong ito ay gaganapin sa Metro Manila at idaraos mula sa Nobyembre 4-7, 1993, samantalang ang 33 pa sa mga ito ay idaraos sa huling bahagi ng Disyembre at unang bahagi ng Enero. Ang programa ay magsisimula sa Huwebes sa 1:20 n.h. at magtatapos sa Linggo sa bandang 4:15 n.h. Pansinin: Ang programa sa lahat ng 36 na lugar ay pare-pareho, kasali na ang Maynila. Ang tanging pagkakaiba ay ang pagkakaroon ng mga delegado sa Maynila mula sa ibang bansa.
3 Ano ang nakalaan para sa atin? Saganang matitigas na espirituwal na pagkain ang ihaharap sa iba’t ibang paraan: pahayag, pagtatanghal, pakikipanayam, at dalawang drama. Huwag kaliligtaan ang alinman sa mahalagang pagtuturong ito! Bukod dito, inaasam-asam natin na muling makita ang mga dating kakilala at magkaroon ng mga bagong kakilala. Ang mga misyonerong naglilingkod sa ibang bansa ay maaaring dumalo sa inyong kombensiyon. Samantalahin ang pagkakataong makilala ang tapat na mga kapatid na lalake at babaeng ito. Kung kayo’y isang magulang, isali ang inyong anak sa usapan. Ang may kagalakan at mapagsakripisyong espiritu ng mga misyonerong ito ay maaaring makapaglagay ng saligan para sa inyong mga kabataan na gawing karera ang buong panahong paglilingkod.
4 Dadalhin ba Ninyo ang Buong Ikapu sa Kamalig? Sa Malakias 3:10, nangako si Jehova sa mga Israelita na kung handa nilang ilagay siya sa pagsubok at dalhin ang buong ikapu sa kamalig, ibubuhos niya ang pagpapala hanggang sa masapatan ang lahat ng pangangailangan.
5 Para sa ilan, ang paglalagay kay Jehova sa pagsubok ay nangangahulugan ng paglapit kaagad sa kanilang pinapasukang trabaho sa pinakamaagang panahon upang humingi ng bakasyon o pagpapaalam para makadalo sa kombensiyon. May mga panahong nag-aatubili ang mga kapatid na gawin ito, na inaakalang hindi sila pahihintulutan ng kanilang pinapasukan na makadalo sa kombensiyon. Gayunman, sa mga bagay na walang kinalaman ang espirituwal na mga bagay, maaaring kaunti lamang o kaya’y walang kahirapang ipabatid sa kanilang pinapasukan kung ano ang nais nilang gawin.
6 Dapat nating tanungin ang sarili: Kung ang minamahal na kaibigan ay mag-aasawa sa ibang lugar, hindi kaya tayo lalapit sa ating pinapasukan upang magpaalam para makadalo sa kasalan? Kung lilitaw na para siyang nag-aatubili, hindi kaya natin magalang na ipaliliwanag kung gaano kahalaga para sa atin na makadalo? Tunay na higit na mahalaga na maturuan ni Jehova kaysa dumalo lamang sa isang kasalan! Kung talagang kumbinsido tayong mahalaga ang programa sa ating espirituwal na paglaki, magiging madaling makumbinsi ang ating pinapasukan na pahintulutan tayong makadalo sa kombensiyon.—Sant. 1:7, 8.
7 Sa Israel ang ikapu ay binubuo ng materyal na suporta sa dako ng pagsamba kay Jehova. Sa ating kaarawan ang ikapu ay lumalarawan sa panahon, lakas, at gastusin na ginagamit nang tuwiran sa paglilingkod kay Jehova at pagtataguyod sa gawaing pang-Kaharian. Ang ikapu ay sumasaklaw sa panahon na ating ginagamit sa mga pulong, mga asamblea, at mga kombensiyon, lakip na ang pag-aayos at paglilinis ng ating mga dakong pulungan. Ang “Banal na Pagtuturo” na Pandistritong Kombensiyon ay magbibigay sa atin ng maraming pagkakataon na dalhin ang buong ikapu sa espirituwal na kamalig ni Jehova. Ano ang ilan sa mga ito?
8 Madadala natin ang ikapu sa pamamagitan ng matamang pakikinig sa programa ng kombensiyon, sa masiglang pakikibahagi sa pag-awit ng bawat awiting pang-Kaharian, at sa pamamagitan ng matamang pakikinig sa bawat panalangin, upang mabigkas natin ang buong pusong amen.
9 Ang ating pagsulong sa katotohanan ay depende sa kalakhang bahagi kung papaano tayo nakikinig. Sa malaking auditoriyum o estadiyum, madali tayong magambala sa ginagawa ng iba na nakapalibot sa atin, anupat dahilan dito kung kaya dapat nating ingatang nakapako ang ating isipan. Tiyaking ninyong nakapaghanda kayo nang lubusan sa pagpunta sa kombensiyon, taglay ang inyong Bibliya, songbook, panulat at sulatan, at isyu ng Ang Bantayan na pag-aaralan sa linggong iyon. Makatutulong kung itatala ang mga punto at mga kasulatan na ginamit ng bawat tagapagsalita. Maaaring dalhin ng mga anak ang ikapu kasama ng kanilang mga magulang sa pamamagitan ng maingat na pagsubaybay sa programa hanggat maaari.
10 Isinasaayos ng ilang mga magulang na magkaroon ng tahimik na oras sa tahanan bawat araw kapag ang kanilang mga kabataan ay nakatakdang magbasa o tumingin sa mga larawan sa isa sa mga publikasyon ng Samahan. Ginagawang madali ng pagsasanay na ito para sa mga anak na maupong tahimik sa panahon ng mga pulong at mga kombensiyon. Ang mga magulang ng ulirang mga anak ay nagsasabi na hindi nila kailanman pinahihintulutan ang kanilang mga kabataan na magdala ng laruan o mga aklat na kinukulayan sa mga pulong. Maaari na ring matutuhan kahit ng mumunting mga anak na ang dahilan ng pagdalo sa mga pulong ay upang sumamba kay Jehova. Ang mga magulang na nagtuturo sa kanilang mga kabataan kung ano ang kahulugan para sa kanila ng pagdadala ng buong ikapu sa kamalig ay tunay na kapuri-puri.
11 Madadala rin natin ang ikapu sa pamamagitan ng pagboboluntaryo ng ating panahon at lakas upang tumulong sa organisasyon ng kombensiyon. Sa karamihang lugar ang paglilinis sa kombensiyon ay naka-eskedyul ng isa o dalawang araw bago magsimula ang kombensiyon. Kung kayo’y nakatira lamang sa malapit, bakit hindi isaayos na makibahagi ang buong pamilya? Isinama ng ilang mga kapatid ang kanilang sumusulong na mga estudyante sa Bibliya upang kahit na bago pa sila mabautismuhan ay malaman ng mga baguhang ito kung ano ang nasasangkot sa pagsuporta sa pagsamba kay Jehova. Marami ang kailangang gawin upang matiyak na kikilos nang mahusay ang kombensiyon. Bakit hindi magboluntaryo bilang isang pamilya?
12 Ang ating tulong sa pananalapi sa kombensiyon ay isa pang paraan sa pagdadala ng ikapu. Sa pagbalangkas kung papaanong ang materyal na mga kaloob ay gagamitin upang tangkilikin ang dalisay na pagsamba, ipinag-utos ni Jehova sa bansang Israel: “Walang sinuman ang haharap kay Jehova na walang dala. Ang kaloob ng kamay ng bawat isa ay dapat na katumbas ng pagpapala na ibinigay sa inyo ni Jehova na inyong Diyos.” (Deut. 16:16, 17) Ang mga tao ay makapagbigay man ng malaki o maliit, ang kanilang handog, na inihanda nang patiuna, ay kalugod-lugod kay Jehova. Sa gayunding paraan, maraming mga kapatid ang may pananalanging nag-isip hinggil sa kontribusyon na kanilang ibibigay, pera man o tseke. Hinahayaan ba ninyo ang inyong maliliit na anak na maglagay ng kontribusyon sa kahon?
13 Palamutian ang Aral ng Ating Tagapagligtas, ang Diyos: Sa pamamagitan ng ating mabubuting asal at ng ating maiinam na ugali, “napalalamutian natin ang aral ng ating Tagapagligtas, ang Diyos, sa lahat ng mga bagay.” (Tito 2:10) Sa ibang salilta, mismong sa kombensiyon, ating maipakikitang ang banal na pagtuturo ay ikinakapit sa ating mga buhay.
14 Kumusta naman ang ating mga asal? Ang konsiderasyon para sa iba ay bihira na ngayon sa sanlibutan. Subalit ang bayan ni Jehova, na napapatnubayan ng mga simulain ng Kasulatan ay nag-iisip, hindi lamang sa sariling kapakinabangan, kundi sa kapakinabangan din ng kanilang kapuwa. (Fil. 2:4) Iniisip natin ang iba na nakapalibot sa atin. Hindi tayo nagtutulakan o nakikipaggitgitan kapag lumilinya para sa pagkain o mga publikasyon. Mapagbigay tayo sa mga matatanda at sa mga maliliit na bata na nakalinya kasama ng kanilang mga magulang na madaling magitgit ng mga nakatatanda na maaaring hindi makapuna sa kanila. Sa mga restauran tayo ay magalang at mapitagan sa mga kawani, na hindi bastos o mapaghanap kung ang serbisyo ay hindi nakakaabot sa ating inaasahan.
15 Ang ating makadiyos na pag-uugali ay may tunay na epekto sa nasa palibot natin. Sa isang kombensiyon noong nakaraang taon, isang pulis na may 21 taon nang naglilingkod ay nagsabi ng ganito: “Ako’y humahanga sa disiplina ng inyong mga kasamahan. [Sila’y] namumukod-tangi; pinupulot nila ang mga basura nang walang nag-uutos sa kanila at sila’y may kaayusan at ang inyong kombensiyon ay organisadong mabuti.” Dagdag pa niya: “Kapag kami’y nakikita ng inyong mga kasamahan, sila’y ngumingiti. Iyo’y isang mabuting palatandaan. Hinahanap namin iyon. Iyo’y isang tanda ng pagiging palakaibigan at walang itinatago. Napansin din namin kung papaanong ang mga bata kasama ng kanilang mga magulang ay disiplinadong mabuti. Maniwala kayo, ako’y humahanga. Kasiyasiyang maatasan dito.”
16 Personal ba ninyong palalamutian ang aral ng ating Tagapagligtas, ang Diyos, sa pamamagitan ng inyong huwarang pag-uugali? Narito ang ilang paraan kung papaano ito maisasagawa:
Pananamit at pag-aayos: Sa panahon ng ating pagdalo sa kombensiyon, hindi natin dapat ituring na tayo’y nagbabakasyon. Sa halip, ating inihaharap ang sarili kay Jehova upang turuan niya. Yamang ganito, hindi ba tayo dapat na manamit gaya kung tayo’y dumadalo sa mga pulong sa Kingdom Hall? (1 Tim. 2:9, 10) Karagdagan pa, dapat nating maingat na isipin kung ano ang ating isusuot pagkatapos ng mga sesyon. Sa pagbabalik sa ating mga tuluyan, angkop kaya na ang ating mahinhin, desenteng pananamit sa kombensiyon ay palitan ng kasuutang doo’y magmumukha tayong isang gusgusing tagasanlibutan? Hindi kaya lumikha ito ng impresyon na ang ating mga pananamit sa pulong ay basta isang kagayakan lamang sa halip na isang pagkakakilanlan ng ating paraan ng pamumuhay? Tandaan, tayo ay nagtataglay ng pangalan ni Jehova, at dapat tiyakin ng bawat isa sa atin na walang makatuwirang akusasyon na magagawa laban sa daan ng katotohanan.
Ang mga kandidato sa bautismo ay dapat paalalahanan na hindi angkop sa gayong banal na okasyon na magsuot ng mga T-shirt na may makasanlibutang salawikain, mga tatak, o komersiyal na anunsiyo. Dapat tiyakin ng mga matatanda na ang mga katanungan sa bautismo ay narepasong mabuti at ang bawat kandidato ay napagsabihan kaagad kung sila’y aprobado sa bautismo o hindi. (Samantalang isinasaalang-alang ang mga tanong, magiging angkop na panahon na magbigay ng mungkahi hinggil sa wasto, mahinhing kasuutan para sa bautismo.) Hindi kailangan para sa mga kandidato sa bautismo na inaprobahan ng mga matatanda na magpatala sa kombensiyon.
Pagpapanatiling Malinis ng Ating Kapaligiran: Gaya ng pagkakabanggit sa pasimula, marami ang komento hinggil sa kalinisan ng bayan ni Jehova sa mga kombensiyon. Panatilihin natin ang mataas na pamantayang iyon, na hindi nagtatapon sa sahig ng papel, mga balat ng kendi, o iba pang lalagyan. Bago umalis sa gabi, tingnan ang palibot ng inyong mga upuan at pulutin ang anumang basura na nakakalat at itapon iyon sa wastong basurahan o dalhin sa bahay upang maitapon. Tandaan na ang bulwagan sa kombensiyon ay ating Kingdom Hall sa apat na araw at dapat na tratuhin kagaya ng ating lokal na Kingdom Hall.
Sekular na Trabaho: Tayo’y dumadalo sa kombensiyon upang kumuha ng espirituwal na pagkain. Hindi ito panahon kung gayon para sa sekular na trabaho o paggawa ukol sa pagkakakitaan, na sinasamantala ang malaking pulutong na dumadalo. Nais naming muling paalalahanan ang lahat na walang pahihintulutang magtinda ng personal na bagay sa lugar ng kombensiyon, at ang mga bagay na nanggaling sa Samahan ang pahihintulutan lamang sa bookroom o sa iba pang departamento ng kombensiyon.
Mga Kagamitan sa Pagre-rekord: Bagaman ang mga video camera ay pinahihintulutan, alam naming kayo’y magiging makonsiderasyon sa iba. Hindi pagiging maibigin kung matatakpan ninyo ang kapuwa kombensiyonista habang kinukunan ninyo ng pelikula ang programa. Kung kayo’y makapagre-rekord nang maingat mula sa inyong upuan, walang masama doon. Gayunpaman, pakisuyong tandaan na walang kamera o anumang kasangkapan sa pagre-rekord ang ikakabit sa sistema ng elektrisidad at sound sa kombensiyon, o kaya’y ilalagay ang kagamitan sa pasilyo o sa matrapik na mga lugar.
Upuan: Pakisuyong ingatan sa isipan na ang mga UPUAN AY MAAARI LAMANG IRESERBA PARA SA INYONG KASAMBAHAY AT SA SINUMANG NAGLALAKBAY NA KASAMA NINYO SA INYONG SASAKYAN. Pakisuyong maging makonsiderasyon sa mga matatanda. Sa nakaraang panahon, ang ilang mga kapatid na matatanda ay kailangang humanap ng upuan sa mga di kombiniyenteng lugar dahilan sa inupuan na ng mga kabataan ang seksiyong nakatalaga para sa mga matatanda.
Mga personal na gamit: Iminumungkahi na panatilihin ninyong iilan lamang ang anumang personal na gamit na dadalhin ninyo sa kombensiyon. Kung ang isang bagay ay hindi papasok sa ilalim ng inyong upuan, makabubuting iwan na iyon sa bahay o sa likuran ng inyong sasakyan. Ang mga malalaking bagay ay hindi pinahihintulutan sa pasilyo ukol sa pangkaligtasang kadahilanan, at kung ang mga ito ay ilalagay sa katabi ninyong upuan, maaaring may mapagkaitan ng upuan.
17 Alang-alang sa maibiging konsiderasyon sa iba, planuhin ang maagang pagdating bawat araw, lalo na sa Huwebes na kadalasa’y mas matagal humanap ng paradahan at upuan kaysa sa karaniwan.
18 Kay laking pribilehiyo natin na maturuan ni Jehova! Ang paggamit natin ng panahon, lakas, at materyal na bagay upang suportahan ang “Banal na Pagtuturo” na Pandistritong Kombensiyon sa taóng ito ay magdudulot ng nagtatagal na espirituwal na kapakinabangan kapuwa sa ating mga sarili at sa ating mga pamilya.
Mga Paalaala sa Pandistritong Kombensiyon
TULUYAN: Kami ay nagpadala ng suplay ng mga Room Request form sa bawat kongregasyon, maliban sa mga nasa Metro Manila. Dapat punan ang mga pormang ito ng mga nangangailangan ng tuluyan at ibigay iyon sa kalihim ng inyong kongregasyon. Susuriin niya iyon at pipirmahan, at pagkatapos ay ipadadala sa Watch Tower Convention sa isa sa mga direksiyong nasa ibaba. Pansinin: Hindi magkakaroon ng kaayusan sa tuluyan para sa mga kombensiyon sa Metro Manila. Kaya yaong mga manggagaling sa mga probinsiya upang dumalo sa Maynila ay kailangang magsaayos ng kanilang sariling mga tuluyan.
Disyembre 23-26, 1993
Vigan, Ilocos Sur: c/o Pablo Nolasco, 54 Quirino Boulevard, Vigan, 2700 Ilocos Sur.
Mangaldan, Pangasinan: c/o Benjamin Caberto, Sr., 97 Salay, Mangaldan, 2432 Pangasinan.
Binalonan, Pangasinan: c/o Manantan Technical School, Urdaneta, 2428 Pangasinan.
Ilagan, Isabela: c/o Zosimo G. Linda, Baculod, Ilagan, 3300 Isabela.
San Fernando, Pampanga: Kingdom Hall, 850 Juliana Subdivision, San Fernando, 2000 Pampanga.
Legazpi City: Kingdom Hall, Camia Street, Imperial Court Subdivision II, 4500 Legazpi City.
Lucena City: Kingdom Hall, 1 Granja Street, 4301 Lucena City.
Dumaguete City: c/o Alexander Echon, 110-Springville, Tubod, 6200 Dumaguete City.
Maasin, Southern Leyte: c/o Conrado Balaga, Rosario Village, Asuncion, Maasin, 6600 Southern Leyte.
Tagbilaran City: c/o Hermenegildo Sang-an, 11 Tamblot Street, 6300 Tagbilaran City.
Bacolod City: c/o Serafin Sabordo, 68 Mabini Street, 6100 Bacolod City.
General Santos City: c/o Clarustino Labrador, P. O. Box 122, 9500 General Santos City.
Mati, Davao Oriental: c/o Norberto B. Morales, 2851 Ravelo Compound, Matiao, Mati, 8200 Davao Oriental.
Davao City: c/o Cesar’s Portrait, City Hall Drive, San Pedro Street, 8000 Davao City.
Cagayan de Oro City: Kingdom Hall, F. Abellanosa Street, 9000 Cagayan de Oro City.
Zamboanga City: Kingdom Hall, 541 San Jose Road, Baliwasan, 7000 Zamboanga City.
Tantangan, South Cotabato: c/o Liberato Supnet, New Cuyapo, Tantangan, 9510 South Cotabato.
Disyembre 30–Enero 2, 1994
Baguio City: c/o Anastacio Cruz, 47 Bayan Park Extension, Aurora Hill, 2600 Baguio City.
Alaminos, Pangasinan: c/o Roland’s Photo Service, Alaminos, 2404 Pangasinan.
Tarlac, Tarlac: c/o Gregorio Ibarra, Aguso, Tarlac, 2300 Tarlac.
Tuguegarao, Cagayan: c/o Santiago Panaga, 60 Public Market, Tuguegarao, 3500 Cagayan.
Bayombong, Nueva Vizcaya: c/o Trinidad V. Bunuan, Market Site, Diversion Road, Bayombong, 3700 Nueva Vizcaya.
Masbate, Masbate: c/o Yolando Alburo, 56-K Tara Street, Masbate, 5400 Masbate.
Puerto Princesa City: Kingdom Hall, Malvar Street, 5300 Puerto Princesa City.
Naga City: c/o Perfecto Banez, 521 Bagumbayan Street, 4400 Naga City.
Cebu City: c/o Parcon’s Machine Shop, Bagumbayan Street, 6000 Cebu City.
Tacloban City: Kingdom Hall, 185 M. H. del Pilar Street, 6500 Tacloban City.
Iloilo City: 65 Escarilla Subdivision, Mandurriao, 5000 Iloilo City.
Surallah, South Cotabato: c/o Eugenio Ordanza, Poblacion, Surallah, 9512 South Cotabato.
Tagum, Davao del Norte: Kingdom Hall, 1036 Rizal Street, Tagum, 8100 Davao del Norte.
Digos, Davao del Sur: c/o Zosimo Tagalog, Post Office, Digos, 8002 Davao del Sur.
Surigao City: c/o Alfredo Alutaya, 735 Navarro Street, 8400 Surigao City.
Dipolog City: c/o Gloria Cabalida, 097-E Aguilar Street, 7100 Dipolog City.
BAUTISMO: Dapat na pagsikapan ng mga kandidato sa bautismo na maupo sa kanilang upuan sa itinalagang seksiyon bago magpasimula ang programa sa Sabado ng umaga. Isang mahinhing pambasa at tuwalya ang dapat na dalhin ng bawat nagpaplanong magpabautismo. Pagkatapos ng pahayag sa bautismo at panalangin ng tagapagsalita, ang tsirman ng sesyon ay magbibigay ng maikling tagubilin sa mga kandidato sa bautismo at pagkatapos ay magpapaawit. Pagkatapos ng huling stanza, aakayin ng mga attendant ang mga kandidato sa bautismo sa lugar na paglulubugan o sa mga sasakyang magdadala sa kanila doon. Yamang ang bautismo na sagisag ng pag-aalay ng isa ay malapit at personal na bagay sa pagitan ng indibiduwal at ni Jehova, walang probisyon para sa tinatawag na ka-partner sa bautismo, na doo’y ang dalawa o mahigit pang kandidato ay nagyayakap o naghahawakan ng kamay samantalang binabautismuhan.
BOLUNTARYONG PAGLILINGKOD: Kailangan ang boluntaryong tulong para sa isang maayos na pagkilos sa isang pandistritong kombensiyon. Kung kayo’y makatutulong, pakisuyong mag-report sa Volunteer Service Department sa kombensiyon. Ang mga batang wala pang 16 anyos ay makatutulong din sa ikapagtatagumpay ng kombensiyon, subalit sila’y kailangang gumawa kasama ng magulang o iba pang mapagkakatiwalaang matanda.
LAPEL CARDS: Pakisuyong isuot ang pantanging idinisenyong lapel card sa kombensiyon habang naglalakbay mula at patungong kombensiyon. Ito’y kadalasang nagbibigay sa atin ng pagkakataong makapagbigay ng mainam na patotoo habang naglalakbay. Ang mga lapel card ay dapat kunin sa pamamagitan ng inyong kongregasyon, yamang ang mga ito ay hindi makukuha sa kombensiyon.
MGA PANTANGING PULONG: Isang pulong ang idaraos kasama ang lahat ng mga regular at espesyal payunir at mga naglalakbay na tagapangasiwa sa 11:15 n.u. sa Biyernes sa lahat ng mga kombensiyon sa probinsiya, samantalang isang pulong kasama ang lahat ng mga matatanda at ministeryal na lingkod ang idaraos sa 11:15 n.u. ng Sabado. Ang mga lugar para sa mga pulong na ito ay ipatatalastas mula sa plataporma. Ang mga pulong na ito ay hindi idaraos sa mga kombensiyon sa Metro Manila.
PIONEER IDENTIFICATION: Ang lahat ng mga regular at espesyal payunir at mga naglalakbay na tagapangasiwa ay dapat magdala ng kanilang Identification and Assignment card (S-202) sa kombensiyon. Ang mga payunir na nasa listahan mula noong Hulyo 1, 1993 o bago pa ng petsang ito ay makatatanggap ng ₱100.00 halaga ng tiket sa kombensiyon kapag iniharap ang kanilang ID card sa kombensiyon lamang na iyon.
ISANG BABALA: Saanman kayo dadalo, bantayan ang inyong mga dala-dalahan sa lahat ng panahon. Kung mayroon kayong sasakyan, tiyaking nakasusi ito at huwag mag-iiwan ng mahahalagang bagay sa loob ng isang nakaparadang sasakyan. Gayundin, mag-ingat sa mga mandurukot na naaakit ng malalaking mga pagtitipon. Lakip dito ang hindi pag-iiwan ng anumang bagay na mahalaga kung walang nagbabantay sa mga upuan sa kombensiyon. Pakisuyong mag-ingat.