May Kagalakang Bumalik Upang Tulungan ang mga Interesado
1 Ang lahat ng nakikibahagi sa pagbabahay-bahay ay nagnanais tumulong sa mga taong interesado. Sa pagbibigay ng gayong tulong, nararanasan natin ang matinding kagalakan at kasiyahan. (Ihambing ang Awit 126:5, 6.) Ito’y humihiling na tayo’y maging handa.
2 Ang paghahanda ay nagsisimula sa pag-iingat ng detalyadong impormasyon sa ating house-to-house record. Itala ang paksang tinalakay sa unang pagdalaw at ang reaksiyon ng maybahay. Nanaisin din ninyong itala kung papaano ninyo pasisimulan ang pag-uusap sa inyong pagbabalik.
3 Halimbawa, kung inyong tinalakay na noong una ang panalanging Ama Namin at nakapaglagay kayo ng aklat na “Mabuhay Magpakailanman,” maaari ninyong sabihin sa maikli ang ganito:
◼ “Noong una akong dumalaw, ating tinalakay kung papaano magaganap sa lupa ang kalooban ng Diyos at na ang kapayapaan ay iiral sa lahat ng larangan ng buhay. Sa iniwan kong aklat, pakisuyong pansinin kung ano ang sinasabi nito sa mga pahina 156 hanggang 158 hinggil sa iba pang mga pagpapala na dadalhin ng Kaharian ng Diyos sa sangkatauhan.”
4 Kung ang tao ay waring hindi naniniwala sa Diyos, sabihin ang tulad nito:
◼ “Noong una kong pagdalaw, pinag-usapan natin ang puntong ginawa ni Pablo sa Hebreo 3:4, na nagbibigay ng makatuwirang dahilan upang sabihing may matalinong Maylikha ng lahat ng bagay.” Basahin muli ang kasulatan at bumaling sa pahina 35, parapo 3 ng aklat na Mabuhay Magpakailanman. Gamitin ang tanong sa ibaba at pagkatapos ay basahin ang parapo, na hinahayaang sagutin ng maybahay ang katanungan. Anyayahan siyang kunin ang aklat at isaalang-alang na magkasama ang susunod na ilang parapo.
5 Ang ganitong paraan ng paglapit ay maaari ring gamitin sa isang artikulo na kaypala’y tinalakay ninyo sa Ang Bantayan o Gumising! Bigyang pansin ang artikulong inyong itinampok sa unang pagdalaw at pagkatapos ay banggitin ang iba pang kapanapanabik na punto sa artikulo ring iyon o sa ibang isyung taglay ninyo. Kung maaari, basahing magkasama ang isang kasulatan at hilingin ang komento ng maybahay.
6 Ingatan sa isipan ang inyong tunguhin na makapagsimula ng isang pag-aaral sa Bibliya. Kalimitang nangangailangan ito ng ilang pagdalaw bago magkaroon ng gayong interes. Ipakita ang inyong personal na pagkabahala sa pamamagitan ng pagbabalik kaagad hanggat maaari.
7 Ang mabuting balita na ating inihahayag ay nagdudulot ng malaking kagalakan. (Luc. 2:10) Kapag ang mga taong interesado ay tumugon sa ating mga pagsisikap, tunay na ito’y isang sanhi ng kagalakan. (Fil. 4:1) Anihin natin ang gayong kagalakan sa pamamagitan ng pagbabalik upang tulungan ang mga interesado na nasusumpungan natin sa larangan.