Mabisang Paghaharap ng Aklat na Mabuhay Magpakailanman
1 Si Jesus ay dalubhasa sa paggamit ng mga pambungad. Sa isang pagkakataon kaniyang pinasimulan ang pakikipag-usap sa isang babaing Samaritano sa pamamagitan ng paghingi lamang sa kaniya ng maiinom na tubig. Ito kaagad ay kumuha ng kaniyang pansin dahilan sa “ang mga Judio ay walang pakikipag-ugnayan sa mga Samaritano.” (Juan 4:7-9) Matututo tayo mula sa kaniyang halimbawa.
2 Kapag naghahanda sa pag-aalok ng aklat na Mabuhay Magpakailanman, tanungin ang inyong sarili, ‘Ano ang makaaakit sa isang tin-edyer, sa isang matandang tao, sa isang asawang lalaki, o sa isang asawang babae?’ Kayo ay maaaring maghanda ng higit sa isang pambungad at gamitin yaong waring pinakaangkop sa kalagayan.
3 Yamang ang pagguho ng buhay pampamilya ay nakababahala sa marami, maaari ninyong sabihin:
◼ “Ang pang-araw-araw na panggigipit sa buhay ay naglalagay ng malaking kaigtingan sa mga sambahayan sa ngayon. Saan sila makasusumpong ng tulong? [Hayaang sumagot.] Ang Bibliya ay maaaring maging isang malaking tulong sa atin. [Basahin ang 2 Timoteo 3:16, 17.] Pansinin ang parapo 3 sa pahina 238 ng publikasyong ito, Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa.” Basahin ang parapo 3, at ialok ang aklat.
4 Kung kayo ay gumagamit ng isang lokal na balita, maaari ninyong sabihin:
◼ “Narinig na ba ninyo ang balita hinggil sa [banggitin ang pangyayaring ikinababahala ng mga tao]? Ano ang palagay ninyo hinggil dito? [Hayaang sumagot.] Kung minsan naiisip natin kung saan kaya hahantong ang sanlibutang ito, hindi ba? Inihula ng Bibliya na ang ganitong mga bagay ay patotoo na tayo’y nabubuhay sa mga huling araw.” Pagkatapos ay isaalang-alang ang impormasyon sa aklat na Mabuhay Magpakailanman, pahina 150-3.
5 Marami ang nababahala hinggil sa lumalagong suliranin sa krimen. Maaari ninyong gamitin ang unang pambungad sa ilalim ng uluhang “Krimen/Kapanatagan” sa pahina 11 ng aklat na “Nangangatuwiran” (p. 10 sa Ingles):
◼ “Nakikipag-usap kami sa mga tao tungkol sa personal na kapanatagan. Laganap ang krimen sa ating paligid, at nakakaapekto ito sa ating buhay. Ano sa palagay ninyo ang kailangan upang ang mga tao ay maging panatag sa mga lansangan kung gabi?” Basahin ang Awit 37:10, 11 at talakayin ang mga pagpapala ng Kaharian ng Diyos, na ginagamit ang mga pahina 156-8 ng aklat na Mabuhay Magpakailanman.
6 Kung gusto ninyong gumamit ng mas payak na paglapit, maaari kayong gumamit ng isang pambungad na kagaya ng masusumpungan sa pahina 12 ng aklat na “Nangangatuwiran,” sa ilalim ng uluhang “Hinaharap/Katiwasayan” (p. 11 sa Ingles):
◼ “Aming pinasisigla ang ating mga kapitbahay na isaalang-alang ang lubhang kasiyasiyang kinabukasan na iniaalok ng Bibliya sa atin. [Basahin ang Apocalipsis 21:3, 4.] Kaigaigaya ba ito sa inyo? [Hayaang sumagot.] Ang kabanata 19 ng aklat na ito ay nagtatampok sa mga pagpapala na mararanasan ng sangkatauhan sa ilalim ng Kaharian ng Diyos.” Ialok ang aklat.
7 Ang paghahanda ng mabisang pambungad ay makatutulong sa inyo na abutin ang mga nagugutom sa katotohanan at katuwiran.—Mat. 5:6.