Ipangaral ang Mabuting Balita Kahit Saan
1 Ang sinaunang mga Kristiyano ay nangaral ng mabuting balita sa lahat ng dako. Sila ay napakasigasig anupat sa loob ng 30 taon mula nang buhaying-muli si Jesu-Kristo, ang mensahe ng Kaharian ay ‘naipangaral na sa lahat ng nilalang na nasa ilalim ng langit.’—Col. 1:23.
2 Ang masisigasig na lingkod ni Jehova sa ngayon ay may gayunding tunguhin—upang abutin ang lahat hangga’t maaari taglay ang mabuting balita ng Kaharian. Ano ang makatutulong sa atin na maisagawa ang tunguhing ito? Parami nang paraming tao ang nagtatrabaho nang buong panahon at kadalasa’y wala sa tahanan kapag tayo ay dumadalaw. Kapag sila’y hindi nagtatrabaho, sila’y naglalakbay, namimili, o naglilibang. Paano maaabot ng mensahe ng Kaharian ang mga karapat-dapat sa mga ito?—Mat. 10:11.
3 Ang ilan ay natatagpuan sa kanilang pinapasukan. Kahit na ang maliliit na bayan ay may lugar ng negosyo kung saan ginugol ng maraming tao ang malaking bahagi ng maghapon. Sa malalaking lunsod, ang mga taong nagtatrabaho sa mga parke para sa negosyo o sa matataas na gusali ng opisina at yaong mga nakatira sa mahigpit na naguguwardiyahang mga apartment ay tumatanggap ng patotoo—ang karamihan sa unang pagkakataon. Sa mga dulong sanlinggo, ang ilan sa mga natagpuan habang nagpapahingalay sa mga parke, sa mga dako ng libangan, o naghihintay sa mga paradahan o namimili sa mga shopping mall ay nasusumpungang interesado sa mabuting balita.
4 Parami nang paraming mamamahayag ang gumagawa ng pantanging pagsisikap na magpatotoo sa mga pampublikong dako, saanman masusumpungan ang mga tao. Sa pasimula, ang mga Saksing ito ay medyo nag-aatubili at ninenerbiyos dahilan sa nahirati sa pangangaral lamang sa bahay-bahay. Ano ang kanilang nadarama ngayon?
5 “Ito ay nagpasigla sa aking ministeryo!” ang bulalas ng isang makaranasang kapatid na lalaki. Dagdag pa ng isa: “Ito’y tumutulong upang pagtuunan ko ang aking tunguhin.” Isang matandang payunir ang nagsabi: “Ito’y nagpapalakas sa isip, sa katawan, at sa espirituwal, . . . at ako’y sumusulong pa!” Napansin ng isang mamamahayag na naaabot niya ngayon ang maraming tao na kailanma’y wala pang nakakausap na mga Saksi ni Jehova. Ang mga kabataan ay masiglang nakikibahagi rin sa gawaing ito. Isang kabataan ang nagpahayag ng sarili sa ganitong paraan: “Ito’y nakatutuwa dahilan sa nakakausap mo ang napakaraming tao!” Wika ng isa pa: “Nakapagsasakamay ako ng mas maraming literatura higit kailanman!” Ang lahat ng ito ay nangyayari sa teritoryo na nagagawa nang paulit-ulit!
6 Nangunguna ang mga Naglalakbay na Tagapangasiwa: Dahilan sa pagkilala na “ang tanawin ng sanlibutang ito ay nagbabago,” ang Samahan kamakailan ay nagmungkahi na baguhin ng mga naglalakbay na tagapangasiwa ang kanilang iskedyul sa paglilingkod sa larangan linggu-linggo upang mas maraming tao hangga’t maaari ang maabot ng mabuting balita. (1 Cor. 7:31) Sa maraming taon, ang mga tagapangasiwa ng sirkito ay naglaan ng mga umaga sa simpleng araw upang makibahagi sa gawain sa bahay-bahay, habang ang mga hapon ay inilaan sa paggawa ng mga pagdalaw-muli at pagdaraos ng mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Sa ilang lugar, ang gayong iskedyul ay maaaring praktikal pa rin. Sa iba, kakaunti lamang ang maisasagawa sa pagbabahay-bahay ng mga umaga sa simpleng araw. Sa gayong mga kaso, maaaring pagpasiyahan ng naglalakbay na tagapangasiwa na mas mabuting maaga pa sa araw ay gumawa sa mga tindahan o magpatotoo sa lansangan. O maaari niyang isaayos para sa maliliit na grupo na magpatotoo sa matataas na gusali ng opisina, mga lugar ng pamilihan, paradahan, o iba pang lugar na pampubliko. Sa pamamagitan ng higit na mabisang paggamit ng oras sa paglilingkod sa larangan, mas marami pang tao ang masusumpungan.
7 Ang mga ulat ay nagpapakita na ang pagbabagong ito ay tinanggap na mabuti ng mga naglalakbay na tagapangasiwa at ng mga mamamahayag. Ang ilang lupon ng matatanda ay humiling sa tagapangasiwa ng sirkito na sanayin ang ilang mamamahayag sa mga larangan ng gawain na nangangailangan ng pansin. Ang mga mamamahayag na ito ay nakinabang sa pagsama sa naglalakbay na tagapangasiwa habang isinasagawa niya ang isa sa mga gawaing ito. Matapos nito, sila naman ay nakapagsasanay din sa iba. (2 Tim. 2:2) Bilang resulta, higit na maraming tao ang ngayo’y naaabot ng mabuting balita.
8 Sabihin pa, hindi na kailangang hintayin pa ninyo ang pagdalaw ng tagapangasiwa ng sirkito para subukan ang ilan sa iba pang paraang ito ng pangangaral. Narito ang iba’t ibang idea na maaaring maging praktikal sa inyong teritoryo.
9 Pagpapatotoo sa Lansangan: ‘Nasaan ang lahat ng tao?’ ang kung minsan ay nasa isip natin habang dinadalaw natin ang isang walang katau-taong residensiyal na lugar sa umaga ng isang simpleng araw. Ang ilan ay namimili. Sinubukan na ba ninyong abutin sila sa pamamagitan ng pagpapatotoo sa lansangan? Kapag wasto itong isinagawa, ang larangang ito ng ministeryo ay maaaring maging napakabunga. Sa halip na tumayo sa isang lugar taglay ang mga magasin, makabubuting lapitan ang mga tao at pasimulan ang isang palakaibigang pakikipag-usap. Hindi kailangang magpatotoo sa lahat ng dumaraan. Makipag-usap sa mga hindi nagmamadali, gaya niyaong mga tumitingin sa naka-display sa mga tindahan, doon sa mga nakaparadang sasakyan, o sa mga tao na naghihintay ng pampublikong sasakyan. Sa pasimula, maaaring gumawa kayo ng isa lamang palakaibigang pagbati at maghintay ng tugon. Kung gustong makipag-usap ng tao, hilingin ang kaniyang opinyon sa isang paksa na sa palagay ninyo ay magugustuhan niya.
10 Samantalang dumadalaw sa isang kongregasyon, isang naglalakbay na tagapangasiwa ang nag-anyaya sa anim na mamamahayag na sumama sa kaniya at sa kaniyang asawa sa pagpapatotoo sa lansangan. Ano ang naging resulta? “Kami ay nagkaroon ng isang kasiya-siyang umaga!” ang ulat niya. “Wala yaong mga not-at-home. Walumpung magasin at maraming tract ang nailagay. Kami ay nagkaroon ng ilang masiglang pakikipag-usap. Ang isa sa mga mamamahayag na gumawa sa lansangan sa unang pagkakataon ay bumulalas: ‘Nasa katotohanan na ako sa maraming taon at hindi ko nabatid kung ano ang nawawala sa akin!’ Sa katapusan ng sanlinggo, ang nakatambak na suplay ng magasin ng kongregasyon ay nasaid.”
11 Samantalang naglilingkod sa susunod na kongregasyon, nabatid ng naglalakbay na tagapangasiwang ito na may ilang mamamahayag na nakibahagi nang maaga sa pagpapatotoo sa lansangan sa isang umaga subalit hindi masyadong nagtagumpay. Ang isang kapatid na babae ay may nakausap lamang na dalawang tao sa buong panahon ng pagpapatotoo, palibhasa’y ang lahat ng iba pa na kaniyang nakatagpo ay nagmamadali patungo sa trabaho. Iminungkahi ng naglalakbay na tagapangasiwa na ang lahat ay muling bumalik sa gayunding lansangan mayámayâ sa umagang iyon. Ginawa nila iyon at nanatili hanggang tanghali. Ang kapatid na babae na dalawa lamang ang nakausap nang maaga-aga pa sa umagang iyon ay nakagawa nang mas mabuti sa kaniyang pagbabalik. Siya’y nakapaglagay ng 31 magasin at 15 brosyur, nakakuha ng mga pangalan at direksiyon ng pitong indibiduwal, at nakapagsimula ng dalawang pantahanang pag-aaral sa Bibliya! Ang iba pa sa grupo ay nagkaroon ng gayunding nakapagpapatibay na resulta.
12 Kapag nakasumpong kayo ng isang nagpakita ng interes, sikaping kunin ang pangalan ng tao, direksiyon, at numero ng telepono. Sa halip na hilingin kaagad ang impormasyon, maaari ninyong sabihin: “Ako’y nasiyahan sa pag-uusap na ito. Mayroon bang paraan upang maipagpatuloy natin ito sa ibang panahon?” O kaya’y itanong: “Mayroon bang paraan upang masumpungan ko kayo sa tahanan?” Marami sa nasumpungan sa ganitong paraan ang pumayag sa isang pagdalaw-muli. Tiyaking mayroon kayong sapat na suplay ng handbills para sa sinuman na nagnanais na dumalo sa ating mga pulong.
13 Kapag kayo’y nakikipag-usap sa isang taong interesado na nakatira sa teritoryo ng ibang kongregasyon, dapat ninyong ipasa ang impormasyon upang masubaybayan ng mga kapatid doon ang interes. Maaari bang ang pagpapatotoo sa lansangan ay maging isang mabisang paraan ng pagpapalaganap ng mabuting balita sa inyong lugar? Kung gayon, repasuhin ang artikulong “Paghanap sa mga Interesado sa Pamamagitan ng Mabisang Pagpapatotoo sa Lansangan” sa isyu ng Hulyo 1994 ng Ating Ministeryo sa Kaharian. Pagkatapos ay isaayos na makibahagi sa pagpapatotoo sa lansangan sa isang angkop na oras na magpapangyari sa inyong maabot ang mas maraming tao hangga’t maaari.
14 Pagpapatotoo sa Pampublikong Transportasyon: Isang umaga isang grupo ng mga payunir ang nagpasiyang magpatotoo sa mga tao na naghihintay ng bus malapit sa isang lokal na kolehiyo. Bagaman sila’y nagkakaroon ng ilang kanais-nais na pakikipag-usap, may lumitaw na problema. Sa panahong ang pag-uusap ay sumasarap, darating ang bus at mapapahinto ang pag-uusap. Nilutas ng mga payunir ang suliranin sa pamamagitan ng pagsakay sa bus at pagpapatuloy ng pagpapatotoo sa mga pasahero habang sila’y naglalakbay. Pagdating sa dulo ng biyahe, ang mga payunir ay muling sasakay pabalik, na nagpapatotoo habang sila’y nagbibiyahe. Pagkatapos ng pabalik-balik na biyahe, kanilang binilang ang resulta ng kanilang pagsisikap: Mahigit sa 200 magasin ang nailagay at anim na pag-aaral sa Bibliya ang napasimulan! May pagkukusang ibinigay ng ilang pasahero ang kanilang direksiyon at numero ng telepono upang sila’y bisitahin sa tahanan. Sa sumunod na linggo, ang mga payunir ay nagbalik sa hintuan ng bus at isinagawa-muli ang dating paraang ito. Sila’y nakapaglagay ng 164 magasin at nakapagsimula ng isa pang pag-aaral sa Bibliya! Sa isang paghinto may isang pasahero na sumakay sa bus at umupo sa nag-iisang bakanteng upuan—katabi ng payunir. Tiningnan niya ang kapatid at nakangiting nagsabi: “Alam ko, mayroon kang Bantayan para sa akin!”
15 Maraming mamamahayag ang nagbibigay ng mabisang patotoo habang naglalakbay sa pamamagitan ng bus, tren, o eroplano. Paano ninyo pasisimulan ang pakikipag-usap sa isang pasaherong katabi ninyo? Isang 12-anyos na mamamahayag ang nagpapasimula sa pagbabasa lamang sa bus ng kopya ng Gumising!, na umaasang aantig ng pag-uusisa ng isang babaeng tin-edyer na nakaupo sa tabi niya. Nagtagumpay ito! Nagtanong sa kaniya ang babae kung ano ang kaniyang binabasa, at ang kabataan ay sumagot na ang binabasa niya ay tungkol sa solusyon sa mga suliraning kailangang harapin ng mga kabataan. Kaniyang idinagdag na malaki ang kaniyang pakinabang sa artikulo at ito ay makatutulong din sa kaniya. Malugod niyang tinanggap ang mga magasin. Ang kanilang pag-uusap ay narinig ng dalawang ibang kabataan na humiling din ng mga kopya ng magasin. Dahilan dito, huminto sa tabi ng daan ang drayber ng bus at nagtanong kung bakit nagkaroon ng malaking interes sa mga magasing ito. Nang matuklasan niya, siya ay tumanggap din ng mga kopya. Sabihin pa, hindi ito magiging posible kung walang dalang sapat na suplay ng magasin ang kabataang mamamahayag upang maibahagi ito sa sinumang nagpakita ng interes!
16 Pagpapatotoo sa mga Parke at mga Paradahan: Kapag maganda ang klima, ang pagpapatotoo sa mga parke at mga paradahan ay isang mainam na paraan upang abutin ang mga tao. Nasubukan na ba ninyong magpatotoo sa lugar ng paradahan sa isang shopping center? Kapag dumating kayo sa paradahan, pagmasdan ng ilang sandali ang inyong kapaligiran. Hanapin yaong hindi nagmamadali o naghihintay sa isang nakaparadang sasakyan at sikaping magpasimula sa isang palakaibigang pakikipag-usap. Kapag nagpatuloy ang pag-uusap, ipasok ang mensahe ng Kaharian. Subuking gumawang mag-isa ngunit may ibang mamamahayag sa kalapit na lugar. Iwasang magdala ng malaki, putoś na bag o sa ibang paraan ay tumawag ng pansin sa inyong gawain. Maging maingat. Makabubuti kung gugugol lamang ng maikling panahon sa isang paradahan at pagkatapos ay lumipat sa iba. Kung may ayaw makipag-usap sa inyo, magalang na lumisan at humanap ng ibang malalapitan. Sa paggamit ng mga paraang ito, isang kapatid na lalaki ang nakapagsakamay ng 90 magasin sa isang buwan sa pagpapatotoo sa mga paradahan!
17 Ang ilang tao ay nagtutungo sa parke upang magpahingalay; ang iba ay nagtutungo roon upang maglaro o gumugol ng panahon kasama ng kanilang mga anak. Humanap ng pagkakataong magpatotoo nang hindi nakaaabala sa kanilang ginagawa. Pinasimulan ng isang kapatid na lalaki ang pakikipag-usap sa tagapag-ingat ng isang parke at nalamang siya’y nababahala tungkol sa droga at sa kinabukasan ng kaniyang mga anak. Isang pag-aaral sa Bibliya ang napasimulan at regular na idinaos ito sa parke!
18 Impormal na Pagpapatotoo sa mga Shopping Mall: Bagaman hindi laging posible na makapangaral nang pormal sa tindahan sa mga shopping mall dahilan sa lokal na mga paghihigpit sa ganitong gawain, ang ilang mamamahayag ay lumikha ng mga pagkakataon na magpatotoo doon nang impormal. Sila’y umuupo sa bangko at pinasisimulan ang isang palakaibigang pakikipag-usap sa iba na tumitigil upang magpahinga. Kapag nagpakita ng interes, sila’y maingat na nag-aalok ng tract o magasin at pinagsisikapang gumawa ng mga kaayusan para sa isang pagdalaw-muli. Pagkatapos gumugol ng ilang minuto sa pagpapatotoo sa isang dako ng mall, sila’y lumilipat ng lugar at nakikipag-usap sa iba naman. Sabihin pa, kailangang mag-ingat upang hindi tumawag ng di kinakailangang pansin habang nagpapatotoo nang impormal sa ganitong paraan.
19 Kapag binabati ang isang tao, pasimulan ang pakikipag-usap sa palakaibigang paraan. Kung tumugon ang inyong kausap, magtanong, at maingat na makinig habang siya’y nagsasalita. Magkaroon ng personal na interes sa kaniyang sinasabi. Ipakita na inyong pinahahalagahan ang kaniyang opinyon. Hangga’t maaari, sumang-ayon sa kaniya.
20 Isang kapatid na babae ang nagkaroon ng kasiya-siyang pakikipag-usap sa isang matandang babae sa pamamagitan ng pagsasabi kung gaano kataas ang halaga ngayon ng bilihin. Ang babae ay kaagad na sumang-ayon, at ito’y umakay sa isang masiglang pag-uusap. Nakuha ng kapatid na babae ang pangalan at direksiyon ng babae, at isang pagdalaw-muli ang naisagawa sa linggo ring iyon.
21 Paggawa sa mga Tindahan: Ang ilang kongregasyon ay may mga distrito ng negosyo bilang bahagi ng kanilang atas na teritoryo. Ang kapatid na nangangalaga sa teritoryo ay maaaring maghanda ng mga pantanging map card para sa masinsing seksiyon ng negosyo. Kapag may map card ng residensiyal na teritoryo na sumasanib sa mga ito, dapat ipabatid na mabuti na ang mga lugar ng negosyo ay dapat gawin nang hiwalay. Sa ibang mga teritoryo, ang mga lugar ng negosyo ay maaaring gawin kasama ng mga residensiyal. Maaaring anyayahan ng matatanda ang mga kuwalipikadong mamamahayag na gumawa sa mga teritoryo ng negosyo sa regular na paraan upang ang gawain sa mga tindahan ay hindi nakaliligtaan.
22 Kung kayo ay inanyayahang makibahagi sa gawaing ito at hindi pa ninyo nagagawa ito noong una, ang isang paraan upang ‘mag-ipon ng katapangan’ ay ang gumawa muna sa ilang maliliit na tindahan; pagkatapos, kung nakadarama na kayo ng higit na pagtitiwala, gawin ang mas malalaki. (1 Tes. 2:2) Kapag gumagawa sa mga tindahan, manamit kayo na tulad nang kayo ay dumadalo sa pulong sa Kingdom Hall. Hangga’t maaari, pumasok sa tindahan kapag walang naghihintay na mamimili. Hilinging makausap ang manedyer o ang nangangasiwa. Maging masigla, at higit sa lahat, maging maikli. Hindi kailangang humingi ng paumanhin. Maraming nagni-negosyo ang bihasa sa mga mamimili at umaasa na sila’y maaabala.
23 Pagkatapos batiin ang nasa tindahan, maaari ninyong sabihin ang ganito: “Ang mga negosyante ay punung-puno ang iskedyul anupat bihira naming masumpungan sa tahanan, kaya kami ang dumalaw sa inyo sa tindahan upang iwanan sa inyo ang isang lubhang nakaaakit na artikulo upang basahin.” Pagkatapos ay gumawa ng isa o dalawang komento hinggil sa kasalukuyang magasin.
24 O maaaring subukan ang ganito kapag lumalapit sa isang manedyer: “Napansin namin na ang mga negosyante ay nagsisikap na laging nakaantabay sa mga pangyayari. Ang huling isyu ng Ang Bantayan (o Gumising!) ay nagtatampok ng artikulong nakaaapekto nang personal sa ating lahat.” Ipaliwanag kung ano ito, at magtapos sa pagsasabing: “Kami’y nakatitiyak na masisiyahan kayo sa pagbabasa nito.”
25 Kung may mga empleado, at waring angkop, maaari ninyong idagdag: “Maaari bang ibigay ko rin ang ganitong maikling presentasyon sa inyong mga empleado?” Kung nagpahintulot, tandaan na ipinangako ninyo na magiging maikli, at inaasahan ng manedyer na tutuparin ninyo ang inyong salita. Kung may mga empleado na nais makipag-usap nang matagal, makabubuting dalawin sila sa kanilang tahanan.
26 Kamakailan ang ilang mamamahayag sa isang maliit na bayan ay sumama sa tagapangasiwa ng sirkito sa gawain sa mga tindahan. Ang ilang mamamahayag ay nangangamba sa simula, dahilan sa hindi nila ito ginagawa noong una; subalit di natagalan at sila’y naging palagay at nagpasimulang masiyahan dito. Wala pang isang oras, sila’y nakapagsalita sa 37 tao at nakapagsakamay ng 24 na magasin at 4 na brosyur. Napansin ng isang kapatid na lalaki na karaniwan na sa isang buwang pagbabahay-bahay, hindi nila natatagpuan ang sindami ng tao tulad ng paggawa sa mga tindahan sa gayong kaikling panahon.
27 Paglikha ng mga Pagkakataong Mangaral: Hindi lamang si Jesus nangaral nang pormal. Pinalaganap niya ang mabuting balita sa bawat angkop na pagkakataon. (Mat. 9:9; Luc. 19:1-10; Juan 4:6-15) Pansinin kung paanong ang ilang mamamahayag ay lumilikha ng mga pagkakataong mangaral.
28 Pinagkagawian na ng ilan na magpatotoo sa mga magulang na naghihintay sa kanilang mga anak sa bukana ng paaralan. Yamang maraming magulang ang dumarating ng mga 20 minuto ang aga, may panahon para akayin sila sa isang masiglang pag-uusap sa isang maka-Kasulatang paksa.
29 Maraming payunir ang alisto sa pag-abot sa mga tao na maaaring may pantanging interes sa isang partikular na paksa na tinalakay sa ating mga magasin. Halimbawa, isang kapatid na babae ang nagkaroon ng mabubuting pagtugon sa pagdalaw sa anim na paaralan sa teritoryo ng kaniyang kongregasyon taglay ang seryeng “Krisis sa mga Paaralan,” na lumabas sa Disyembre 22, 1995 ng Gumising! Dinalaw din niya ang family-care services na taglay ang mga magasin hinggil sa buhay-pampamilya at pag-aabuso sa bata at inanyayahang bumalik na taglay ang mga isyu sa hinaharap na tumatalakay sa mga paksa ring iyon. Ang tinanggap niyang pagtugon sa unemployment office hinggil sa Marso 8, 1996 ng Gumising! tungkol sa kawalan ng trabaho ay inilarawan na “pambihira.”
30 Isang tagapangasiwa ng distrito ang nag-ulat na siya at ang kaniyang asawa ay regular na nagpapatotoo nang impormal habang namimili sa groseri. Sila’y namimili kung oras na hindi siksikan ang tindahan, at ang mga mamimili ay naglalakad nang paroo’t parito sa mga pasilyo na parang namamasyal. Sila’y nag-ulat ng maraming maiinam na pakikipag-usap.
31 Maraming mamamahayag ang nag-ulat ng mabubuting resulta habang nagpapatotoo sa mga tao sa pampublikong labahan. Hindi lamang sila basta nag-iiwan ng mga magasin habang walang mga parokyano. Ang kanilang tunguhin ay ang abutin ang mga tao taglay ang mabuting balita, anupat sila’y nagsisikap na makipag-usap nang personal doon sa mga gumagamit ng pasilidad.
32 Sa ilang lugar, mga piling mamamahayag ang binigyan ng karapatan na mangaral sa mga paliparan. Sa pana-panahon sila’y nagkaroon ng kagalakan na magpatotoo sa internasyonal na mga biyahero na nakatira sa mga bansa kung saan iilan lamang ang bayan ni Jehova. Kapag nakasumpong ng interes, sila’y nag-aalok ng tract o ng magasin.
33 Kung hindi pinahihintulutang magpatotoo nang personal sa mga nakatira sa mga apartment na naguguwardiyahang mabuti sa teritoryo ng kongregasyon, ginagawa ng ilan na magpatotoo nang mataktika sa mga security guard na nagbabantay o sa mga manedyer sa mga opisina. Ang gayunding paraan ay ginagamit sa pribado, nababakurang mga komunidad. Isang tagapangasiwa ng sirkito at ilang mamamahayag ang dumalaw sa pitong magkakaugnay na apartment sa ganitong paraan. Sa bawat kaso, sinabi nila sa manedyer na bagaman sila’y hindi pinahintulutang dumalaw sa mga apartment sa karaniwan nating paraan, hindi natin nais na malibanan niya ang impormasyon na nasa ating pinakahuling babasahin. Ang mga manedyer sa lahat ng pitong magkakaugnay na apartment ay malugod na tumanggap ng mga magasin at humiling pa ng susunod na mga isyu! Ang mga naninirahan sa bawat apartment ay nakontak sa pamamagitan ng telepono.
34 Magsikap Kayong Mangaral sa Lahat ng Dako: Ang pamumuhay ayon sa ating pag-aalay ay nalalakipan ng pagkadama ng pagkaapurahan hinggil sa ating atas na ipangaral ang mensahe ng Kaharian. Upang maabot ang mga tao sa panahong kombinyente sa kanila, kailangan nating isaisang-tabi ang personal na kagustuhan upang ‘sa anumang paraan ay mailigtas natin ang ilan.’ Lahat ng naaalay na lingkod ni Jehova ay nagnanais na makapagsabi, gaya ni apostol Pablo: “Ginagawa ko ang lahat ng bagay alang-alang sa mabuting balita, upang maging tagapamahagi ako nito sa iba.”—1 Cor. 9:22, 23.
35 Sumulat pa si Pablo: “Kaya nga, may malaking katuwaan pa nga na maghahambog ako kung hinggil sa aking mga kahinaan, upang ang kapangyarihan ng Kristo ay manatili sa ibabaw ko tulad ng isang tolda. . . . Sapagkat kapag ako ay mahina, sa gayon ay makapangyarihan ako.” (2 Cor. 12:9, 10) Sa ibang pananalita, walang sinuman sa atin ang makagaganap ng gawaing ito sa ating sariling lakas. Kailangan nating manalangin kay Jehova para sa kaniyang makapangyarihang banal na espiritu. Kung tayo’y mananalangin sa Diyos ukol sa lakas, makapagtitiwala tayo na sasagutin niya ang ating mga panalangin. Pagkatapos ang ating pag-ibig para sa mga tao ay magpapakilos sa atin na humanap ng mga pagkakataon na ipangaral ang mabuting balita sa kanila, saanman sila maaaring masumpungan. Sa susunod na linggo, bakit hindi subukan ang isa sa mga mungkahing itinampok sa insert na ito?