EZRA
1 Nang unang taon ni Haring Ciro+ ng Persia, para matupad ang salita ni Jehova na inihayag ni Jeremias,+ inudyukan ni Jehova si* Haring Ciro ng Persia na isulat at ipahayag sa buong kaharian niya ang proklamasyong ito:+
2 “Ito ang sinabi ni Haring Ciro ng Persia, ‘Ibinigay sa akin ni Jehova na Diyos ng langit ang lahat ng kaharian sa lupa,+ at inatasan niya akong ipagtayo siya ng isang bahay sa Jerusalem,+ na nasa Juda. 3 Sinuman sa inyo na kabilang sa bayan niya, gabayan sana siya ng kaniyang Diyos. Magpunta siya sa Jerusalem, na nasa Juda, at muling itayo ang bahay ni Jehova na Diyos ng Israel—siya ang tunay na Diyos—na ang bahay ay nasa Jerusalem.* 4 Ang sinumang naninirahan bilang dayuhan,+ nasaan man siya, ay dapat tulungan ng kapuwa niya* at bigyan ng pilak at ginto, mga pag-aari at mga alagang hayop, pati ng kusang-loob na handog para sa bahay ng tunay na Diyos,+ na nasa Jerusalem.’”
5 Kaya ang mga ulo ng mga angkan* ng Juda at ng Benjamin at ang mga saserdote at mga Levita—ang bawat isa na inudyukan* ng tunay na Diyos—ay naghanda para maglakbay at muling itayo ang bahay ni Jehova, na nasa Jerusalem. 6 Ang lahat ng nasa palibot nila ay tumulong at nagbigay ng* mga kagamitang pilak at ginto, mga pag-aari, mga alagang hayop, at iba pang mahahalagang bagay, bukod pa sa lahat ng kusang-loob na handog.
7 Ang mga kagamitan sa bahay ni Jehova, na kinuha ni Nabucodonosor mula sa Jerusalem at inilagay sa bahay ng kaniyang diyos,+ ay inilabas din ni Haring Ciro. 8 Ipinagkatiwala iyon ni Haring Ciro ng Persia sa ingat-yaman na si Mitredat. Binilang iyon ni Mitredat at ibinigay kay Sesbazar*+ na pinuno ng Juda.
9 At ito ang bilang ng mga iyon: 30 gintong basket, 1,000 pilak na basket, 29 na lalagyang pamalit, 10 30 maliliit na gintong mangkok, 410 maliliit na mangkok na pilak, 1,000 iba pang kagamitan. 11 Ang lahat ng kagamitang ginto at pilak ay 5,400. Dinala ni Sesbazar ang lahat ng ito nang magsibalik sa Jerusalem ang mga ipinatapon+ sa Babilonya.
2 At ito ang mga mamamayan sa nasasakupang distrito, na ipinatapon+ sa Babilonya+ ni Haring Nabucodonosor ng Babilonya at nang maglaon ay bumalik sa kani-kanilang lunsod sa Jerusalem at Juda.+ 2 Dumating sila kasama nina Zerubabel,+ Jesua,+ Nehemias, Seraias, Reelaias, Mardokeo, Bilsan, Mispar, Bigvai, Rehum, at Baanah.
Ito ang bilang ng mga lalaking Israelita na nagsibalik:+ 3 ang mga anak ni Paros, 2,172; 4 ang mga anak ni Sepatias, 372; 5 ang mga anak ni Arah,+ 775; 6 ang mga anak ni Pahat-moab,+ mula sa mga anak ni Jesua at ni Joab, 2,812; 7 ang mga anak ni Elam,+ 1,254; 8 ang mga anak ni Zatu,+ 945; 9 ang mga anak ni Zacai, 760; 10 ang mga anak ni Bani, 642; 11 ang mga anak ni Bebai, 623; 12 ang mga anak ni Azgad, 1,222; 13 ang mga anak ni Adonikam, 666; 14 ang mga anak ni Bigvai, 2,056; 15 ang mga anak ni Adin, 454; 16 ang mga anak ni Ater, mula sa sambahayan ni Hezekias, 98; 17 ang mga anak ni Bezai, 323; 18 ang mga anak ni Jora, 112; 19 ang mga anak ni Hasum,+ 223; 20 ang mga anak ni Gibar,* 95; 21 ang mga taga-Betlehem, 123; 22 ang mga taga-Netopa, 56; 23 ang mga taga-Anatot,+ 128; 24 ang mga taga-Azmavet, 42; 25 ang mga taga-Kiriat-jearim, taga-Kepira, at taga-Beerot, 743; 26 ang mga taga-Rama+ at taga-Geba,+ 621; 27 ang mga taga-Micmas, 122; 28 ang mga taga-Bethel at taga-Ai,+ 223; 29 ang mga taga-Nebo,+ 52; 30 ang mga taga-Magbis,* 156; 31 ang mga anak ng isa pang Elam, 1,254; 32 ang mga anak ni Harim, 320; 33 ang mga taga-Lod, taga-Hadid, at taga-Ono, 725; 34 ang mga taga-Jerico, 345; 35 ang mga taga-Senaa,* 3,630.
36 Ang mga saserdote:+ ang mga anak ni Jedaias+ mula sa sambahayan ni Jesua,+ 973; 37 ang mga anak ni Imer,+ 1,052; 38 ang mga anak ni Pasur,+ 1,247; 39 ang mga anak ni Harim,+ 1,017.
40 Ang mga Levita:+ ang mga anak ni Jesua at ni Kadmiel,+ mula sa mga anak ni Hodavias, 74. 41 Ang mga mang-aawit:+ ang mga anak ni Asap,+ 128. 42 Ang mga anak ng mga bantay ng pintuang-daan:+ ang mga anak ni Salum, ang mga anak ni Ater, ang mga anak ni Talmon,+ ang mga anak ni Akub,+ ang mga anak ni Hatita, at ang mga anak ni Sobai, lahat-lahat, 139.
43 Ang mga lingkod sa templo:*+ ang mga anak ni Ziha, ang mga anak ni Hasupa, ang mga anak ni Tabaot, 44 ang mga anak ni Keros, ang mga anak ni Siaha, ang mga anak ni Padon, 45 ang mga anak ni Lebana, ang mga anak ni Hagaba, ang mga anak ni Akub, 46 ang mga anak ni Hagab, ang mga anak ni Salmai, ang mga anak ni Hanan, 47 ang mga anak ni Gidel, ang mga anak ni Gahar, ang mga anak ni Reaias, 48 ang mga anak ni Rezin, ang mga anak ni Nekoda, ang mga anak ni Gazam, 49 ang mga anak ni Uza, ang mga anak ni Pasea, ang mga anak ni Besai, 50 ang mga anak ni Asena, ang mga anak ng* Meunim, ang mga anak ni Nepusim, 51 ang mga anak ni Bakbuk, ang mga anak ni Hakupa, ang mga anak ni Harhur, 52 ang mga anak ni Bazlut, ang mga anak ni Mehida, ang mga anak ni Harsa, 53 ang mga anak ni Barkos, ang mga anak ni Sisera, ang mga anak ni Temah, 54 ang mga anak ni Nezias, at ang mga anak ni Hatipa.
55 Ang mga anak ng mga lingkod ni Solomon: ang mga anak ni Sotai, ang mga anak ni Soperet, ang mga anak ni Peruda,+ 56 ang mga anak ni Jaalah, ang mga anak ni Darkon, ang mga anak ni Gidel, 57 ang mga anak ni Sepatias, ang mga anak ni Hatil, ang mga anak ni Pokeret-hazebaim, at ang mga anak ni Ami.
58 Ang lahat ng lingkod sa templo* at ang mga anak ng mga lingkod ni Solomon ay 392.
59 At ito ang mga nanggaling sa Tel-mela, Tel-harsa, Kerub, Adon, at Imer, pero hindi nila mapatunayan na Israelita ang kanilang mga ninuno at angkan:+ 60 ang mga anak ni Delaias, ang mga anak ni Tobia, at ang mga anak ni Nekoda, 652. 61 At mula sa mga anak ng mga saserdote: ang mga anak ni Habaias, ang mga anak ni Hakoz,+ at ang mga anak ni Barzilai, na nag-asawa ng isa sa mga anak na babae ni Barzilai+ na Gileadita at tinawag ayon sa pangalan ng kaniyang biyenan. 62 Naghanap sila ng mga dokumentong magpapatunay ng pinanggalingan nilang angkan, pero wala silang nakita, kaya hindi sila naging kuwalipikado bilang saserdote.*+ 63 Sinabi sa kanila ng gobernador* na hindi sila puwedeng kumain ng mga kabanal-banalang bagay+ hanggang sa may dumating na saserdoteng makasasangguni sa Urim at Tumim.*+
64 Ang buong kongregasyon ay may bilang na 42,360,+ 65 bukod pa sa kanilang mga aliping lalaki at babae na may bilang na 7,337. Mayroon din silang 200 mang-aawit na lalaki at babae. 66 Ang kanilang mga kabayo ay 736, ang kanilang mga mula* ay 245, 67 ang kanilang mga kamelyo ay 435, at ang kanilang mga asno ay 6,720.
68 Pagdating nila sa bahay ni Jehova sa Jerusalem, ang ilan sa mga ulo ng mga angkan ay nagbigay ng kusang-loob na mga handog+ para muling maitayo ang bahay ng tunay na Diyos sa dati nitong lugar.+ 69 Nagbigay sila para sa proyekto ayon sa kaya nila: 61,000 gintong drakma,* 5,000 pilak na mina,*+ at 100 mahahabang damit para sa mga saserdote. 70 At ang mga saserdote, mga Levita, karaniwang mga tao, mga mang-aawit, mga bantay ng pintuang-daan, at mga lingkod sa templo* ay tumira sa kani-kanilang lunsod. Kaya ang lahat ng Israelita ay nanirahan sa kani-kanilang lunsod.+
3 Pagsapit ng ikapitong buwan,+ nang ang mga Israelita ay nasa kanilang mga lunsod na, nagtipon sila sa Jerusalem nang nagkakaisa. 2 Si Jesua+ na anak ni Jehozadak at ang mga kapuwa niya saserdote at si Zerubabel+ na anak ni Sealtiel+ at ang mga kapatid niya ay naghanda at itinayo nila ang altar ng Diyos ng Israel, para makapaghandog sila rito ng mga haing sinusunog, gaya ng nasusulat sa Kautusan ni Moises+ na lingkod ng tunay na Diyos.
3 Itinayo nila ang altar sa dati nitong lugar kahit na natatakot sila sa mga tao sa nakapalibot na mga lupain,+ at nagsimula silang maghandog dito ng mga haing sinusunog para kay Jehova, ang mga haing sinusunog sa umaga at sa gabi.+ 4 Pagkatapos, ipinagdiwang nila ang Kapistahan ng mga Kubol* ayon sa nasusulat,+ at araw-araw silang naghandog ng itinakdang dami ng haing sinusunog.+ 5 Pagkatapos, nagpatuloy sila sa pag-aalay ng palagiang handog na sinusunog+ at ng mga handog para sa bagong buwan+ at para sa lahat ng pinabanal na panahon ng kapistahan+ ni Jehova, pati ng mga hain mula sa bawat isa na masayang nagbigay ng kusang-loob na handog+ kay Jehova. 6 Mula nang unang araw ng ikapitong buwan+ ay nagsimula silang maghandog ng mga haing sinusunog para kay Jehova, kahit hindi pa nagagawa ang pundasyon ng templo ni Jehova.
7 Nagbigay sila ng pera sa mga tagatabas ng bato+ at sa iba pang bihasang manggagawa,+ at ng pagkain at inumin at langis sa mga Sidonio at sa mga taga-Tiro, kapalit ng pagdadala ng mga trosong sedro, na ibiniyahe sa dagat mula sa Lebanon hanggang sa Jope,+ ayon sa pahintulot ni Haring Ciro ng Persia.+
8 Noong ikalawang taon mula nang dumating sila sa bahay ng tunay na Diyos sa Jerusalem, nang ikalawang buwan, nagsimula sa pagtatayo si Zerubabel na anak ni Sealtiel, si Jesua na anak ni Jehozadak at ang iba pa nilang kapatid, ang mga saserdote at mga Levita, at ang lahat ng dumating sa Jerusalem mula sa pagkabihag;+ inatasan nila ang mga Levita na edad 20 pataas para mamahala sa gawain sa bahay ni Jehova. 9 Kaya si Jesua, ang kaniyang mga anak at mga kapatid, at si Kadmiel at ang mga anak nito, na mga anak ni Juda, ay nagtulong-tulong sa pangangasiwa ng gawain sa bahay ng tunay na Diyos, kasama ng mga anak ni Henadad,+ at ng mga anak at kamag-anak ng mga ito, na mga Levita rin.
10 Nang matapos ng mga tagapagtayo ang pundasyon ng templo ni Jehova,+ ang mga saserdote na nakasuot ng opisyal na damit at may mga trumpeta,+ pati ang mga Levita, na mga anak ni Asap, na may mga simbalo,* ay tumayo para purihin si Jehova ayon sa utos ni Haring David ng Israel.+ 11 At salitan silang umawit+ ng papuri at pasasalamat kay Jehova, “dahil siya ay mabuti; ang kaniyang tapat na pag-ibig sa Israel ay walang hanggan.”+ Pagkatapos, ang buong bayan ay sumigaw ng papuri kay Jehova dahil natapos na ang pundasyon ng bahay ni Jehova. 12 Marami sa mga saserdote, mga Levita, at mga ulo ng mga angkan—ang matatandang lalaki na nakakita sa unang bahay+—ang umiyak nang malakas nang makita nila ang paggawa ng pundasyon ng bahay na ito, samantalang ang maraming iba pa ay humihiyaw nang napakalakas dahil sa kagalakan.+ 13 Kaya hindi malaman ng bayan kung alin ang hiyaw ng kagalakan at kung alin ang ingay ng pag-iyak dahil napakalakas ng sigaw ng bayan, at dinig na dinig ito hanggang sa malayo.
4 Nang marinig ng mga kalaban ng Juda at Benjamin+ na ang mga bumalik mula sa pagkatapon+ ay nagtatayo ng templo para kay Jehova na Diyos ng Israel, 2 lumapit sila agad kay Zerubabel at sa mga ulo ng mga angkan at nagsabi: “Sasama kami sa pagtatayo; dahil sinasamba* rin namin ang Diyos ninyo+ at naghahandog kami sa kaniya mula pa noong panahon ni Haring Esar-hadon+ ng Asirya, na nagdala sa amin dito.”+ 3 Pero si Zerubabel at si Jesua at ang iba pa sa mga ulo ng mga angkan ng Israel ay nagsabi: “Wala kayong karapatang sumama sa amin sa pagtatayo ng bahay para sa Diyos namin.+ Kami lang ang magtatayo nito para kay Jehova na Diyos ng Israel, gaya ng iniutos ni Haring Ciro ng Persia.”+
4 Kaya sinikap ng mga tao sa nakapalibot na mga lupain na pahinain ang loob* ng mga Judio para mapatigil sila sa pagtatayo.+ 5 Umupa sila ng mga tagapayo para sirain ang plano ng mga Judio+ sa buong panahon ni Haring Ciro ng Persia hanggang sa pamamahala ni Haring Dario+ ng Persia. 6 Sa pasimula ng paghahari ni Ahasuero, sumulat sila ng akusasyon laban sa mga nakatira sa Juda at Jerusalem. 7 At noong panahon ni Haring Artajerjes ng Persia, si Bislam, si Mitredat, si Tabeel, at ang iba pa niyang kasamahan ay sumulat kay Haring Artajerjes; isinalin nila ang sulat sa wikang Aramaiko,+ gamit ang mga titik na Aramaiko.*
8 * Si Rehum na punong opisyal ng pamahalaan at si Simsai na eskriba ay sumulat kay Haring Artajerjes ng isang liham laban sa Jerusalem. Ganito ang nilalaman: 9 (Galing ito kay Rehum na punong opisyal ng pamahalaan at kay Simsai na eskriba at sa iba pa nilang kasamahan; sa mga hukom at sa nakabababang mga gobernador; sa mga kalihim; sa mga taga-Erec;+ sa mga Babilonyo; sa mga taga-Susa,+ na mga Elamita;+ 10 at sa iba pa sa mga bayang ipinatapon ng dakila at kagalang-galang na si Asenapar at pinatira sa mga lunsod ng Samaria;+ at sa iba pa sa rehiyon sa kabila ng Ilog.* 11 Ito ngayon ang kopya ng ipinadala nilang liham.)
“Kay Haring Artajerjes, mula sa iyong mga lingkod sa rehiyon sa kabila ng Ilog: 12 Ipinaaalam po namin sa hari na ang mga Judiong galing sa inyong lugar na nagpunta rito sa amin ay nakarating na sa Jerusalem. Itinatayo nilang muli ang mapagrebelde at napakasamang lunsod; ginagawa nila ang mga pader+ at kinukumpuni ang mga pundasyon. 13 Dapat din pong malaman ng hari na kung ang lunsod na ito ay maitayong muli at matapos ang mga pader nito, hindi na sila magbabayad ng anumang buwis,*+ at malaki ang mawawala sa kabang-yaman ng kaharian. 14 Dahil ang palasyo ang nagpapasuweldo sa amin,* at ayaw naming makitang naaagrabyado ang hari, ipinadala namin ang mensaheng ito sa hari 15 para masuri ang aklat ng kasaysayan ng inyong mga ninuno.+ Makikita ninyo sa aklat ng kasaysayan na ang lunsod na ito ay mapagrebelde at mapaminsala sa mga hari at sa mga nasasakupang distrito, at na nasa lunsod na ito ang mga pasimuno ng mga paghihimagsik noon pa man. Kaya nga po winasak ang lunsod na ito.+ 16 Ipinaaalam namin sa hari na kung ang lunsod na ito ay maitatayong muli at ang mga pader nito ay matatapos, mawawalan kayo ng teritoryo* sa kabila ng Ilog.”+
17 Ang hari ay nagpadala ng mensahe kay Rehum na punong opisyal ng pamahalaan at kay Simsai na eskriba at sa iba pa nilang kasamahan na taga-Samaria at sa iba pa na nakatira sa rehiyon sa kabila ng Ilog:
“Sumainyo ang kapayapaan! 18 Ang opisyal na dokumentong ipinadala ninyo ay binasa* nang malinaw sa akin. 19 Ipinag-utos ko ang isang imbestigasyon at natuklasang ang lunsod ay lumalaban sa mga hari noon pa man, at may nangyaring mga rebelyon doon.+ 20 Nagkaroon ng makapangyarihang mga hari sa Jerusalem na namahala sa buong rehiyon sa kabila ng Ilog, at binabayaran sila ng mga buwis.* 21 Ipag-utos ninyo ngayon na itigil ng mga lalaking ito ang paggawa, para hindi maitayong muli ang lunsod hangga’t wala pa akong inilalabas na utos. 22 Asikasuhin ninyo ito agad para hindi na madagdagan ang pinsala sa hari.”+
23 Nang ang kopya ng opisyal na dokumento ni Haring Artajerjes ay mabasa sa harap ni Rehum at ni Simsai na eskriba at ng mga kasamahan nila, agad silang pumunta sa Jerusalem para puwersahang patigilin ang mga Judio. 24 Kaya nahinto ang pagtatayo sa bahay ng Diyos sa Jerusalem hanggang sa ikalawang taon ng pamamahala ni Haring Dario ng Persia.+
5 At ang mga propetang si Hagai+ at si Zacarias+ na apo ni Ido+ ay naghayag ng hula sa mga Judio na nasa Juda at Jerusalem, sa pangalan ng Diyos ng Israel na gumagabay sa kanila. 2 Kaya sinimulan ni Zerubabel+ na anak ni Sealtiel at ni Jesua+ na anak ni Jehozadak ang pagtatayong muli sa bahay ng Diyos+ sa Jerusalem; kasama nila ang mga propeta ng Diyos at pinalalakas ng mga ito ang loob nila.+ 3 Nang panahong iyon, pinuntahan sila ni Tatenai na gobernador ng rehiyon sa kabila ng Ilog* at ni Setar-bozenai at ng mga kasamahan nila at nagtanong: “Sino ang nag-utos sa inyo na itayo ang bahay na ito at gawin ang istrakturang* ito?” 4 Nagtanong pa sila: “Sino ang mga lalaking nagtatayo ng gusaling ito?” 5 Pero pinapatnubayan ng Diyos ang* matatandang lalaki ng mga Judio,+ at hindi sila napahinto ng mga iyon hanggang sa ang ulat ay makarating kay Dario at maibalik ang isang opisyal na dokumento tungkol dito.
6 Ito ang liham ni Tatenai na gobernador ng rehiyon sa kabila ng Ilog at ni Setar-bozenai at ng mga kasamahan niya, ang nakabababang mga gobernador ng rehiyon sa kabila ng Ilog, na ipinadala kay Haring Dario; 7 ipinadala nila ang ulat sa kaniya at ganito ang nakasulat:
“Kay Haring Dario:
“Sumainyo ang kapayapaan! 8 Dapat pong malaman ng hari na nagpunta kami sa distrito ng Juda sa bahay ng dakilang Diyos, at itinatayo ito gamit ang malalaking bato,* at ang mga kahoy ay inilalapat sa mga pader. Napakasipag nila at marami na silang nagagawa. 9 Tinanong namin ang matatandang lalaki: ‘Sino ang nag-utos sa inyo na itayo ang bahay na ito at gawin ang istrakturang* ito?’+ 10 Itinanong din namin ang mga pangalan nila para maisulat namin at maipaalám sa inyo kung sino ang mga lalaking nangunguna sa kanila.
11 “Ito ang isinagot nila sa amin: ‘Kami ang mga lingkod ng Diyos ng langit at ng lupa, at itinatayo naming muli ang bahay na itinayo ng isang dakilang hari ng Israel maraming taon na ang lumipas.+ 12 Pero dahil ginalit ng aming mga ama ang Diyos ng langit,+ ibinigay niya sila sa kamay ni Haring Nabucodonosor+ ng Babilonya, ang Caldeo. Winasak ng hari ang bahay na ito+ at ang bayan ay dinala niyang bihag sa Babilonya.+ 13 Gayunman, noong unang taon ni Haring Ciro ng Babilonya, iniutos ni Haring Ciro na muling itayo ang bahay na ito ng Diyos.+ 14 Bukod diyan, inilabas ni Haring Ciro mula sa templo ng Babilonya ang mga sisidlang yari sa ginto at pilak na kinuha noon ni Nabucodonosor mula sa templo ng Diyos sa Jerusalem at dinala sa templo ng Babilonya.+ Ibinigay ang mga iyon kay Sesbazar,*+ na inatasan ni Ciro na maging gobernador.+ 15 Sinabi ni Ciro sa kaniya: “Kunin mo ang mga lalagyang ito, at ilagay mo sa templo sa Jerusalem. Muli mong itayo ang bahay ng Diyos sa dati nitong lugar.”+ 16 Pagdating ni Sesbazar, ginawa niya ang mga pundasyon ng bahay ng Diyos+ sa Jerusalem; noon sinimulan ang pagtatayo pero hindi pa ito natatapos hanggang ngayon.’+
17 “Kung mabuti po sa paningin ng hari, magkaroon sana ng imbestigasyon sa kabang-yaman ng hari sa Babilonya, para malaman kung talagang iniutos ni Haring Ciro na muling itayo ang bahay na iyon ng Diyos sa Jerusalem;+ at ipaalám sana sa amin ang pasiya ng hari tungkol dito.”
6 Kaya naglabas ng utos si Haring Dario, at gumawa sila ng imbestigasyon sa bahay na nasa Babilonya kung saan nakatago ang mga aklat ng kasaysayan at ang kayamanan. 2 Isang balumbon ang nakita sa kuta sa Ecbatana, sa distrito ng Media, at ganitong tagubilin ang isinulat batay roon:
3 “Noong unang taon ni Haring Ciro, naglabas siya ng isang utos tungkol sa bahay ng Diyos sa Jerusalem:+ ‘Itatayong muli ang bahay na paghahandugan nila ng mga hain, at gagawin ang mga pundasyon nito; 60 siko* ang taas nito at 60 siko ang lapad,+ 4 na may tatlong patong ng malalaking bato at isang patong ng mga kahoy.+ Ang panggastos ay kukunin sa kabang-yaman ng hari.+ 5 Bukod diyan, ang mga sisidlang yari sa ginto at pilak sa bahay ng Diyos na kinuha ni Nabucodonosor sa templo sa Jerusalem at dinala sa Babilonya+ ay isasauli, para mailagay ang mga iyon sa tamang lugar sa bahay ng Diyos sa Jerusalem.’+
6 “Kaya Tatenai na gobernador ng rehiyon sa kabila ng Ilog,* Setar-bozenai, at sa mga kasamahan ninyo na nakabababang mga gobernador ng rehiyon sa kabila ng Ilog+—huwag kayong makialam diyan. 7 Huwag ninyong hadlangan ang paggawa sa bahay na iyon ng Diyos. Muling itatayo ng gobernador ng mga Judio at ng matatandang lalaki ng mga Judio ang bahay na iyon ng Diyos sa dati nitong lugar. 8 At ako ay naglalabas ng isang utos kung paano ninyo tutulungan ang matatandang lalaking ito ng mga Judio para muling maitayo ang bahay na iyon ng Diyos: Ang panggastos ay kukunin sa kabang-yaman ng hari,+ mula sa buwis na nakokolekta sa rehiyon sa kabila ng Ilog, at agad na ibibigay sa mga lalaking ito para hindi matigil ang pagtatayo.+ 9 At ang anumang kailangan—mga batang toro*+ at mga lalaking tupa+ at mga kordero*+ na gagamitin bilang handog na sinusunog para sa Diyos ng langit, at trigo,+ asin,+ alak,+ at langis,+ anuman ang sabihin ng mga saserdoteng nasa Jerusalem—ay dapat ibigay sa kanila araw-araw nang walang palya, 10 para patuloy silang makapagbigay ng mga handog na nakapagpapasaya sa Diyos ng langit at makapanalangin para sa buhay ng hari at ng mga anak niya.+ 11 Ipinag-uutos ko rin na ang sinumang lalabag sa kautusang ito ay ibabayubay* sa isang posteng kahoy na bubunutin sa bahay niya, at ang bahay niya ay gagawing pampublikong palikuran.* 12 Kaya pabagsakin nawa ng Diyos ang sinumang hari at bayan na lalabag sa kautusang ito at magtatangkang wasakin ang bahay ng Diyos sa Jerusalem, na nagdadala ng pangalan Niya.+ Ako, si Dario, ang naglalabas ng kautusang ito. Ipatupad ito agad.”
13 Kaya si Tatenai na gobernador ng rehiyon sa kabila ng Ilog, si Setar-bozenai,+ at ang kanilang mga kasamahan ay agad na sumunod sa lahat ng iniutos ni Haring Dario. 14 At ang matatandang lalaki ng mga Judio ay nagpatuloy sa pagtatayo at unti-unti nilang natapos ang gawain,+ dahil napalakas sila ng mga hulang inihayag ng propetang si Hagai+ at ni Zacarias+ na apo ni Ido; tinapos nila ang pagtatayo ayon sa utos ng Diyos ng Israel+ at sa utos ni Ciro+ at ni Dario+ at ni Haring Artajerjes+ ng Persia. 15 Natapos nila ang bahay nang ikatlong araw ng buwan ng Adar,* noong ikaanim na taon ng pamamahala ni Haring Dario.
16 At ang pagpapasinaya* sa bahay na ito ng Diyos ay masayang idinaos ng mga Israelita, mga saserdote, mga Levita,+ at ng iba pa sa mga dating ipinatapon. 17 At naghandog sila para sa pagpapasinaya sa bahay na ito ng Diyos ng 100 toro, 200 lalaking tupa, 400 kordero, at bilang handog para sa kasalanan ng buong Israel ay 12 lalaking kambing, katumbas ng bilang ng mga tribo ng Israel.+ 18 At inatasan nila ang mga saserdote ayon sa kani-kanilang grupo at ang mga Levita ayon sa kani-kanilang pangkat para sa paglilingkod sa Diyos sa Jerusalem,+ ayon sa nakasulat sa aklat ni Moises.+
19 At sa ika-14 na araw ng unang buwan, idinaos ng mga dating ipinatapon ang Paskuwa.+ 20 Lahat ng saserdote at Levita ay naglinis ng sarili nila,+ kaya silang lahat ay malinis; pinatay nila ang haing pampaskuwa para sa lahat ng dating ipinatapon, para sa mga kapuwa nila saserdote, at para sa kanilang sarili. 21 Pagkatapos, kumain nito ang mga Israelita na nagsibalik mula sa pagkatapon, pati ang mga sumama sa kanila at humiwalay sa karumihan ng mga bansa para sambahin* si Jehova na Diyos ng Israel.+ 22 Masaya rin nilang idinaos nang pitong araw ang Kapistahan ng Tinapay na Walang Pampaalsa,+ dahil pinasaya sila ni Jehova at ginawa niyang magaan ang loob sa kanila ng hari ng Asirya+ kung kaya sinuportahan sila nito* sa gawain para sa bahay ng tunay na Diyos, ang Diyos ng Israel.
7 Pagkatapos, noong naghahari si Haring Artajerjes+ ng Persia, si Ezra*+ ay bumalik. Siya ay anak ni Seraias,+ na anak ni Azarias, na anak ni Hilkias,+ 2 na anak ni Salum, na anak ni Zadok, na anak ni Ahitub, 3 na anak ni Amarias, na anak ni Azarias,+ na anak ni Meraiot, 4 na anak ni Zerahias, na anak ni Uzi, na anak ni Buki, 5 na anak ni Abisua, na anak ni Pinehas,+ na anak ni Eleazar,+ na anak ni Aaron+ na punong saserdote. 6 Ang Ezra na ito ay galing sa Babilonya. Siya ay isang tagakopya* na eksperto sa* Kautusan ni Moises,+ na ibinigay ni Jehova na Diyos ng Israel. Ibinigay ng hari ang lahat ng kahilingan niya, dahil tinutulungan siya ni Jehova na kaniyang Diyos.
7 Ang ilan sa mga Israelita, saserdote, Levita,+ mang-aawit,+ bantay ng pintuang-daan,+ at mga lingkod sa templo*+ ay pumunta sa Jerusalem nang ikapitong taon ni Haring Artajerjes. 8 Dumating si Ezra sa Jerusalem noong ikalimang buwan ng ikapitong taon ng hari. 9 Sinimulan niya ang paglalakbay mula sa Babilonya noong unang araw ng unang buwan, at nakarating siya sa Jerusalem noong unang araw ng ikalimang buwan dahil tinutulungan siya ng kaniyang Diyos.+ 10 Inihanda ni Ezra ang puso niya para* sumangguni sa Kautusan ni Jehova at sundin ito,+ at ituro sa Israel ang mga tuntunin at kahatulan nito.+
11 Ito ay isang kopya ng liham na ibinigay ni Haring Artajerjes kay Ezra na saserdote at tagakopya,* na eksperto* sa mga kautusan ni Jehova at sa mga tuntunin Niya sa Israel:
12 * “Si Artajerjes,+ na hari ng mga hari, kay Ezra na saserdote, na tagakopya* ng Kautusan ng Diyos ng langit: Sumaiyo ang kapayapaan. 13 Ipinag-uutos ko na ang bawat Israelita sa nasasakupan ko at ang kanilang mga saserdote at mga Levita na gustong sumama sa iyo sa Jerusalem ay dapat sumama.+ 14 Isinusugo ka ng hari at ng pitong tagapayo niya para alamin kung sinusunod sa Juda at sa Jerusalem ang Kautusan ng iyong Diyos na nasa iyo,* 15 at para dalhin ang pilak at ang ginto na kusang-loob na ibinigay ng hari at ng mga tagapayo niya para sa Diyos ng Israel, na ang bahay ay nasa Jerusalem, 16 pati ang lahat ng pilak at ginto na matatanggap* mo sa buong distrito ng Babilonya, kasama ang regalo na kusang-loob na ibinibigay ng bayan at ng mga saserdote para sa bahay ng kanilang Diyos, na nasa Jerusalem.+ 17 At ipambili mo agad ang perang ito ng mga toro,*+ lalaking tupa,+ kordero,*+ pati na ng mga butil at inuming inihahandog kasama ng mga ito,+ at ihandog mo ang mga iyon sa altar ng bahay ng inyong Diyos sa Jerusalem.
18 “At kung ano sa tingin mo at ng mga kapatid mo ang mabuting gawin sa natirang pilak at ginto ay puwede ninyong gawin, ayon sa kalooban ng inyong Diyos. 19 At ang lahat ng sisidlang ibinigay sa iyo para gamitin sa pagsamba sa bahay ng iyong Diyos ay dalhin mo sa harap ng Diyos sa Jerusalem.+ 20 At para sa iba pang pangangailangan sa bahay ng iyong Diyos, kumuha ka ng panggastos mula sa kabang-yaman ng hari.+
21 “Ako, si Haring Artajerjes, ay naglabas ng isang utos sa lahat ng ingat-yaman sa rehiyon sa kabila ng Ilog,* na lahat ng hingin sa inyo ni Ezra+ na saserdote, na tagakopya* ng Kautusan ng Diyos ng langit, ay ibigay agad, 22 hanggang 100 talento* ng pilak, 100 kor* ng trigo, 100 bat* ng alak,+ 100 bat ng langis,+ at gaano man karaming asin.+ 23 Ang lahat ng iniutos ng Diyos ng langit may kinalaman sa kaniyang bahay ay gawin nang buong sigasig, para hindi magalit ang Diyos ng langit+ sa nasasakupan ng hari at sa mga anak niya.+ 24 At ipinaaalam din sa inyo na hindi dapat pagbayarin ng anumang buwis*+ ang sinumang saserdote at Levita, manunugtog,+ bantay-pinto, lingkod sa templo,*+ at iba pang manggagawa sa bahay na ito ng Diyos.
25 “At ikaw, Ezra, gamit ang karunungang ibinigay sa iyo ng Diyos,* mag-atas ka ng mga mahistrado at mga hukom para humatol sa lahat ng nasa rehiyon sa kabila ng Ilog, sa lahat ng nakaaalam ng mga kautusan ng iyong Diyos; at turuan mo ang mga hindi nakaaalam ng mga ito.+ 26 Ang sinumang lalabag sa Kautusan ng iyong Diyos at sa kautusan ng hari ay agad na bibigyan ng parusa, iyon man ay kamatayan, pagpapalayas, multa, o pagkabilanggo.”
27 Purihin si Jehova na Diyos ng ating mga ninuno, na nag-udyok sa hari na pagandahin ang bahay ni Jehova sa Jerusalem!+ 28 Dahil sa tapat na pag-ibig niya sa akin, naging mabait sa akin ang hari,+ ang kaniyang mga tagapayo,+ at ang lahat ng makapangyarihang opisyal ng hari. Lumakas ang loob ko* dahil sa tulong ng aking Diyos na si Jehova, at tinipon ko ang mga pinuno* ng Israel para sumama sa akin.
8 At ito ang mga ulo ng mga angkan nila at ang listahan ng pamilya ng mga sumama sa akin sa pag-alis sa Babilonya noong namamahala si Haring Artajerjes:+ 2 sa mga anak ni Pinehas,+ si Gersom; sa mga anak ni Itamar,+ si Daniel; sa mga anak ni David, si Hatus; 3 sa mga anak ni Secanias, na mula sa mga anak ni Paros, si Zacarias, at kasama niya ang nakatalang 150 lalaki; 4 sa mga anak ni Pahat-moab,+ si Elieho-enai na anak ni Zerahias, at may kasama siyang 200 lalaki; 5 sa mga anak ni Zatu,+ si Secanias na anak ni Jahaziel, at may kasama siyang 300 lalaki; 6 sa mga anak ni Adin,+ si Ebed na anak ni Jonatan, at may kasama siyang 50 lalaki; 7 sa mga anak ni Elam,+ si Jesaias na anak ni Athalia, at may kasama siyang 70 lalaki; 8 sa mga anak ni Sepatias,+ si Zebadias na anak ni Miguel, at may kasama siyang 80 lalaki; 9 sa mga anak ni Joab, si Obadias na anak ni Jehiel, at may kasama siyang 218 lalaki; 10 sa mga anak ni Bani, si Selomit na anak ni Josipias, at may kasama siyang 160 lalaki; 11 sa mga anak ni Bebai,+ si Zacarias na anak ni Bebai, at may kasama siyang 28 lalaki; 12 sa mga anak ni Azgad,+ si Johanan na anak ni Hakatan, at may kasama siyang 110 lalaki; 13 sa mga anak ni Adonikam,+ ang mga huli, sina Elipelet, Jeiel, at Semaias, at may kasama silang 60 lalaki; 14 at sa mga anak ni Bigvai,+ si Utai at si Zabbud, at may kasama silang 70 lalaki.
15 Tinipon ko sila sa ilog na umaagos papuntang Ahava,+ at nagkampo kami roon nang tatlong araw. Pero nang suriin ko ang bayan at ang mga saserdote, wala akong nakitang sinumang Levita roon. 16 Kaya ipinatawag ko sina Eliezer, Ariel, Semaias, Elnatan, Jarib, Elnatan, Natan, Zacarias, at Mesulam, na mga pinuno, at sina Joiarib at Elnatan, na mga tagapagturo. 17 Pagkatapos, inutusan ko silang pumunta kay Ido na pinuno sa lugar na tinatawag na Casipia. Sinabi ko sa kanila na sabihin kay Ido at sa mga kapatid niya, ang mga lingkod sa templo* na nasa Casipia, na magpadala sa amin ng mga lingkod para sa bahay ng aming Diyos. 18 Dahil tinutulungan kami ng aming Diyos, ipinadala nila si Serebias,+ isang matalinong lalaki na isa sa mga anak ni Mahali+ na apo ni Levi na anak ni Israel, kasama ang mga anak at kapatid niya, 18 lalaki; 19 at si Hasabias, kasama si Jesaias na isang Merarita,+ ang mga kapatid niya at ang mga anak nila, 20 lalaki. 20 At may 220 lingkod sa templo* na ang mga pangalan ay nakalistang lahat. Si David at ang matataas na opisyal ang nag-atas sa mga lingkod sa templo para tumulong sa mga Levita.
21 Pagkatapos ay sinabi ko sa buong grupo na mag-ayuno* kami doon sa ilog ng Ahava, para magpakumbaba sa harap ng aming Diyos, para humingi sa kaniya ng patnubay sa paglalakbay namin, ng proteksiyon para sa amin at sa aming mga anak at para sa lahat ng aming pag-aari. 22 Nahiya akong humingi sa hari ng mga sundalo at mga mangangabayo para protektahan kami laban sa mga kaaway sa daan, dahil sinabi na namin sa hari: “Tinutulungan ng Diyos ang lahat ng umaasa* sa kaniya,+ pero ang kaniyang lakas at galit ay laban sa lahat ng umiiwan sa kaniya.”+ 23 Kaya nag-ayuno kami at hiniling namin sa aming Diyos na ingatan kami, at pinakinggan niya ang kahilingan namin.+
24 Pagkatapos, ibinukod ko ang 12 sa mga pinuno ng mga saserdote: sina Serebias at Hasabias,+ kasama ang 10 sa mga kapatid nila. 25 At tinimbang ko at ibinigay sa kanila ang pilak at ang ginto at ang mga kagamitan, ang donasyon para sa bahay ng aming Diyos na ibinigay ng hari at ng kaniyang mga tagapayo at matataas na opisyal at ng lahat ng Israelitang naroon.+ 26 Binigyan ko sila ng 650 talento* ng pilak, 100 kagamitang pilak na nagkakahalaga ng 2 talento, 100 talento ng ginto, 27 20 maliliit na gintong mangkok na nagkakahalaga ng 1,000 darik,* at 2 kagamitan na yari sa magandang klase ng tanso, makintab na pula at kasinghalaga ng ginto.
28 Pagkatapos ay sinabi ko sa kanila: “Kayo ay banal sa harap ni Jehova,+ at ang mga kagamitan ay banal, at ang pilak at ang ginto ay kusang-loob na handog kay Jehova na Diyos ng inyong mga ninuno. 29 Bantayan ninyong mabuti ang mga iyon hanggang sa matimbang ninyo ang mga iyon sa harap ng mga pinuno ng mga saserdote at ng mga Levita at ng matataas na opisyal ng mga angkan ng Israel sa Jerusalem,+ sa mga silid* ng bahay ni Jehova.” 30 At kinuha ng mga saserdote at ng mga Levita ang pilak at ginto at ang mga kagamitan na tinimbang sa harap nila para dalhin sa Jerusalem sa bahay ng aming Diyos.
31 Sa wakas ay umalis kami sa ilog ng Ahava+ noong ika-12 araw ng unang buwan+ para pumunta sa Jerusalem, at ang aming Diyos ay sumaamin at pinrotektahan niya kami mula sa mga kaaway at mananambang* sa daan. 32 At nakarating kami sa Jerusalem+ at nagpalipas ng tatlong araw doon. 33 Noong ikaapat na araw, tinimbang namin ang pilak at ang ginto at ang mga kagamitan sa bahay ng aming Diyos+ at ibinigay ang mga ito kay Meremot+ na anak ni Urias na saserdote, at kasama niya si Eleazar na anak ni Pinehas, at kasama nila ang mga Levita na sina Jozabad+ na anak ni Jesua at Noadias na anak ni Binui.+ 34 Ang lahat ay binilang at tinimbang, at ang lahat ng timbang ay inilista. 35 Ang mga bumalik mula sa pagkabihag, ang mga dating ipinatapon, ay naghandog ng mga haing sinusunog para sa Diyos ng Israel, 12 toro*+ para sa buong Israel, 96 na lalaking tupa,+ 77 lalaking kordero,* at 12 lalaking kambing+ bilang handog para sa kasalanan; ang lahat ng ito ay handog na sinusunog para kay Jehova.+
36 Pagkatapos ay ibinigay namin ang mga kautusan ng hari+ sa mga satrapa* ng hari at sa mga gobernador ng rehiyon sa kabila ng Ilog,*+ at sinuportahan nila ang bayan at ang bahay ng tunay na Diyos.+
9 At nang matapos ang mga bagay na ito, ang matataas na opisyal ay lumapit sa akin at nagsabi: “Ang bayang Israel at ang mga saserdote at ang mga Levita ay hindi pa humihiwalay mula sa mga tao sa nakapalibot na mga lupain, at ginagawa pa rin nila ang kasuklam-suklam na mga gawain ng mga ito+—ng mga Canaanita, mga Hiteo, mga Perizita, mga Jebusita, mga Ammonita, mga Moabita, mga Ehipsiyo,+ at mga Amorita.+ 2 Kinuha nila ang ilang anak na babae ng mga ito para mapangasawa nila at ng kanilang mga anak.+ Kaya sila, ang banal na bayan,*+ ay nahaluan ng mga tao ng mga lupain.+ Ang matataas na opisyal at ang mga kinatawang opisyal ang pasimuno sa kataksilang ito.”
3 Nang marinig ko ito, pinunit ko ang damit* ko at binunot ang ilang buhok ng aking ulo at balbas, at naupo akong tulala. 4 At ang lahat ng may matinding paggalang* sa salita ng Diyos ng Israel ay pumalibot sa akin para makidalamhati dahil sa pagtataksil ng ipinatapong bayan, habang ako ay nakaupong tulala hanggang sa paghahain ng handog na mga butil sa gabi.+
5 At nang oras ng paghahain ng handog na mga butil sa gabi,+ matapos akong mamighati, tumayo akong punít ang damit. Pagkatapos, lumuhod ako at itinaas ko ang aking mga kamay kay Jehova na aking Diyos. 6 At sinabi ko: “O Diyos ko, nahihiya ako at hindi ako makaharap sa iyo, O Diyos ko, dahil ang mga pagkakamali namin ay lampas na sa aming ulo at ang kasalanan namin ay umabot na sa langit.+ 7 Mula nang panahon ng mga ninuno namin hanggang ngayon, napakalaki na ng kasalanan namin;+ at dahil sa mga pagkakamali namin, kami, ang aming mga hari, at ang aming mga saserdote, ay ibinigay sa kamay ng mga hari ng ibang bansa, pinatay sa pamamagitan ng espada,+ binihag,+ ninakawan,+ at hiniya, gaya ng nangyayari ngayon.+ 8 Pero ngayon, sa maikling panahon, nagpakita ng kabaitan sa amin si Jehova na aming Diyos nang hayaan niyang makalaya ang ilan sa amin at bigyan kami ng matatag na puwesto* sa kaniyang banal na lugar,+ para paningningin ang mga mata namin sa saya, O aming Diyos, at para bigyan kami ng kaunting ginhawa mula sa aming pagkaalipin. 9 Kahit mga alipin kami,+ hindi kami hinayaan ng aming Diyos na manatiling alipin; nagpakita siya ng tapat na pag-ibig sa amin nang udyukan niya ang mga hari ng Persia na maging mabait sa amin,+ para palakasin kami at maitayong muli ang nawasak na bahay ng aming Diyos+ at magkaroon kami ng batong pader* sa Juda at sa Jerusalem.
10 “Pero ano ang masasabi namin ngayon, O aming Diyos? Sinuway namin ang mga utos mo, 11 na ibinigay mo sa pamamagitan ng iyong mga lingkod na propeta, na nagsasabi: ‘Ang lupaing papasukin ninyo para gawing pag-aari ay isang maruming lupain dahil sa karumihan ng mga tao roon, dahil pinuno nila iyon ng kasuklam-suklam na mga gawain.+ 12 Kaya huwag ninyong ibigay ang inyong mga anak na babae sa kanilang mga anak na lalaki, o tanggapin ang kanilang mga anak na babae para sa inyong mga anak na lalaki;+ at huwag ninyo silang tulungang magkaroon ng payapa at saganang buhay,+ para lumakas kayo at makain ang bunga ng lupain at maipamana ito sa inyong mga anak magpakailanman.’ 13 At pagkatapos ng lahat ng nangyari sa amin dahil sa masasamang ginawa namin at sa mabigat naming kasalanan—kahit na hindi mo naman kami pinarusahan nang nararapat sa mga pagkakamali namin,+ O aming Diyos, at hinayaan mo pa rin kaming makalaya+— 14 susuwayin ba naming muli ang mga utos mo at kukuha ng mapapangasawa mula sa mga bayang gumagawa ng kasuklam-suklam na mga bagay na ito?+ Hindi ka ba labis na magagalit sa amin at lilipulin mo kami hanggang sa wala nang matira sa amin? 15 O Jehova na Diyos ng Israel, ikaw ay matuwid,+ dahil nakaligtas kami at may natira sa amin hanggang sa araw na ito. Narito kami, kaming mga nagkasala, kahit na wala kaming karapatang tumayo sa harap mo dahil sa mga ginawa namin.”+
10 Habang nananalangin si Ezra+ at nagtatapat ng kasalanan, na umiiyak at nakadapa sa harap ng bahay ng tunay na Diyos, isang malaking grupo ng mga Israelitang lalaki, babae, at bata ang pumalibot sa kaniya, at wala silang tigil sa pag-iyak. 2 Pagkatapos, si Secanias na anak ni Jehiel+ mula sa mga anak ni Elam+ ay nagsabi kay Ezra: “Hindi kami naging tapat sa ating Diyos dahil nag-asawa kami* ng mga banyaga mula sa nakapalibot na mga lupain.+ Pero may pag-asa pa ang Israel. 3 At ngayon ay sumumpa tayo sa ating Diyos+ na paaalisin natin ang lahat ng asawang babae at ang mga anak nila gaya ng iniutos ni Jehova at ng mga taong may matinding paggalang* sa mga utos ng ating Diyos.+ Sundin natin ang Kautusan. 4 Bumangon ka, dahil responsibilidad mo ito, at susuportahan ka namin. Magpakalakas ka at kumilos.”
5 Bumangon nga si Ezra at pinanumpa ang mga pinuno ng mga saserdote, ang mga Levita, at ang buong Israel na gawin ang bagay na ito.+ Kaya nanumpa sila. 6 Si Ezra ngayon ay umalis sa harap ng bahay ng tunay na Diyos at pumunta sa silid* ni Jehohanan na anak ni Eliasib. Pero hindi siya kumain o uminom ng tubig doon dahil nagdadalamhati siya sa kataksilan ng ipinatapong bayan.+
7 Pagkatapos ay nagpalabas sila ng panawagan sa buong Juda at Jerusalem na lahat ng dating ipinatapon ay magtipon sa Jerusalem; 8 at ipinasiya ng matataas na opisyal at ng matatandang lalaki na kung may sinumang hindi darating sa loob ng tatlong araw, kukumpiskahin ang* lahat ng pag-aari niya at palalayasin siya mula sa kongregasyon ng ipinatapong bayan.+ 9 Kaya ang lahat ng lalaki mula sa tribo ng Juda at Benjamin ay nagtipon sa Jerusalem sa loob ng tatlong araw, noong ika-20 araw ng ikasiyam na buwan. Ang buong bayan ay nakaupo sa looban* ng bahay ng tunay na Diyos, na nanginginig dahil sa kasalukuyang sitwasyon at dahil sa malakas na ulan.
10 Pagkatapos ay tumayo ang saserdoteng si Ezra, at sinabi niya sa kanila: “Nagtaksil kayo nang mag-asawa kayo ng mga babaeng banyaga,+ kaya lalong lumaki ang kasalanan ng Israel. 11 Ngayon ay magtapat kayo kay Jehova na Diyos ng inyong mga ninuno at gawin ninyo ang kalooban niya. Humiwalay kayo sa mga tao sa nakapalibot na mga lupain at sa mga asawang banyaga na ito.”+ 12 Sumagot nang malakas ang buong kongregasyon: “Pananagutan naming gawin ang lahat ng sinabi mo. 13 Pero ang dami ng tao at maulan ngayon. Hindi kami makatatagal sa labas, at hindi matatapos ang bagay na ito sa loob lang ng isa o dalawang araw, dahil marami kami na nakagawa ng kasalanang ito. 14 Kaya kung maaari, ang matataas na opisyal na lang natin ang kakatawan sa buong kongregasyon;+ at papuntahin na lang dito sa itinakdang panahon ang lahat ng nasa lunsod natin na nag-asawa ng mga babaeng banyaga, kasama ang matatandang lalaki at mga hukom ng bawat lunsod, hanggang sa mapahupa natin ang nag-aapoy na galit ng ating Diyos dahil sa bagay na ito.”
15 Tumutol dito si Jonatan na anak ni Asahel at si Jahzeias na anak ni Tikva, at sinuportahan sila ng mga Levitang sina Mesulam at Sabetai.+ 16 Pero sumunod sa napagkasunduan ang mga dating ipinatapon; at ang saserdoteng si Ezra at ang mga ulo ng mga angkan nila, na ang mga pangalan ay nasa talaan, ay nagpulong nang bukod sa unang araw ng ika-10 buwan para mag-imbestiga sa bagay na ito; 17 at sa unang araw ng unang buwan, naharap na nila ang kaso ng lahat ng lalaking nag-asawa ng banyaga. 18 Natuklasang ang ilan sa mga anak ng mga saserdote ay nag-asawa ng mga babaeng banyaga:+ ang mga anak at mga kapatid ni Jesua+ na anak ni Jehozadak, sina Maaseias, Eliezer, Jarib, at Gedalias. 19 Pero nangako sila* na paaalisin nila ang mga asawa nila. At dahil nagkasala sila, maghahandog sila ng isang lalaking tupa mula sa kawan para sa kasalanan nila.+
20 Kabilang din sa mga nagkasala ang mga sumusunod: sa mga anak ni Imer,+ sina Hanani at Zebadias; 21 sa mga anak ni Harim,+ sina Maaseias, Elias, Semaias, Jehiel, at Uzias; 22 sa mga anak ni Pasur,+ sina Elioenai, Maaseias, Ismael, Netanel, Jozabad, at Eleasa; 23 sa mga Levita, sina Jozabad, Simei, Kelaias (o, Kelita), Petahias, Juda, at Eliezer; 24 sa mga mang-aawit, si Eliasib; at sa mga bantay ng pintuang-daan, sina Salum, Telem, at Uri.
25 Ito naman ang mga nagmula sa Israel: sa mga anak ni Paros,+ sina Ramias, Izias, Malkias, Mijamin, Eleazar, Malkias, at Benaias; 26 sa mga anak ni Elam,+ sina Matanias, Zacarias, Jehiel,+ Abdi, Jeremot, at Elias; 27 sa mga anak ni Zatu,+ sina Elioenai, Eliasib, Matanias, Jeremot, Zabad, at Aziza; 28 sa mga anak ni Bebai,+ sina Jehohanan, Hananias, Zabai, at Atlai; 29 sa mga anak ni Bani, sina Mesulam, Maluc, Adaias, Jasub, Seal, at Jeremot; 30 sa mga anak ni Pahat-moab,+ sina Adna, Kelal, Benaias, Maaseias, Matanias, Bezalel, Binui, at Manases; 31 sa mga anak ni Harim,+ sina Eliezer, Isias, Malkias,+ Semaias, Shimeon, 32 Benjamin, Maluc, at Semarias; 33 sa mga anak ni Hasum,+ sina Matenai, Matatah, Zabad, Elipelet, Jeremai, Manases, at Simei; 34 sa mga anak ni Bani, sina Maadai, Amram, Uel, 35 Benaias, Bedaias, Keluhi, 36 Vanias, Meremot, Eliasib, 37 Matanias, Matenai, at Jaasu; 38 sa mga anak ni Binui, sina Simei, 39 Selemias, Natan, Adaias, 40 Macnadebai, Sasai, Sharai, 41 Azarel, Selemias, Semarias, 42 Salum, Amarias, at Jose; 43 at sa mga anak ni Nebo, sina Jeiel, Matitias, Zabad, Zebina, Jadai, Joel, at Benaias. 44 Lahat sila ay nag-asawa ng mga babaeng banyaga,+ at pinaalis nila ang kanilang mga asawa at mga anak.+
Lit., “pinukaw ni Jehova ang espiritu ni.”
O posibleng “na nasa Jerusalem.”
Lit., “ng mga lalaki sa lugar niya.”
O “angkan ng ama.”
Lit., “na ang espiritu ay pinukaw.”
Lit., “ay nagpalakas ng kamay nila sa pamamagitan ng.”
O posibleng “mga taga-Gibar.”
O posibleng “mga anak ni Magbis.”
O posibleng “mga anak ni Senaa.”
O “mga Netineo.” Lit., “mga ibinigay.”
O posibleng “mga anak ni.”
O “ng Netineo.” Lit., “ng ibinigay.”
O “hindi sila pinaglingkod bilang saserdote dahil marumi sila.”
O “Tirsata,” titulong Persiano para sa gobernador ng isang distrito.
Tingnan sa Glosari.
Anak ng kabayo at asno.
Isang barya na karaniwang itinutumbas sa gintong darik ng Persia na may timbang na 8.4 g. Iba sa drakma ng Griegong Kasulatan. Tingnan ang Ap. B14.
Sa Hebreong Kasulatan, ang isang mina ay 570 g. Tingnan ang Ap. B14.
O “mga Netineo.” Lit., “mga ibinigay.”
O “Pansamantalang Tirahan.”
O “pompiyang.”
Lit., “hinahanap.”
Lit., “ang mga kamay.”
O posibleng “isinulat ito sa Aramaiko at saka isinalin.”
Ang Ezr 4:8 hanggang 6:18 ay unang isinulat sa wikang Aramaiko.
O “sa kanluran ng Eufrates.”
Sa orihinal na wika, tatlong uri ng buwis ang binanggit: buwis sa bawat indibidwal, buwis sa mga produkto, at buwis sa paggamit ng daan.
Lit., “Dahil kinakain namin ang asin ng palasyo.”
Lit., “parte.”
O posibleng “isinalin at binasa.”
Sa orihinal na wika, tatlong uri ng buwis ang binanggit: buwis sa bawat indibidwal, buwis sa mga produkto, at buwis sa paggamit ng daan.
O “sa kanluran ng Eufrates.”
O “mga bigang.”
Lit., “ang mata ng Diyos nila ay nasa.”
O “malalaking bato na iginugulong sa mga puwesto nito.”
O “mga bigang.”
Mga 26.7 m (87.6 ft). Tingnan ang Ap. B14.
O “sa kanluran ng Eufrates.”
O “lalaking baka.”
O “batang tupa.”
O “ibibitin.”
O posibleng “tambakan ng basura o dumi.”
Tingnan ang Ap. B15.
O “pag-aalay.”
Lit., “hanapin.”
Lit., “pinalakas nito ang mga kamay nila.”
Ibig sabihin, “Tulong.”
O “eskriba.”
O “Siya ay isang magaling na tagakopya ng.”
O “mga Netineo.” Lit., “mga ibinigay.”
O “Ipinasiya ni Ezra sa puso niya na.”
O “eskriba.”
O “tagakopya ng mga salita.”
Ang Ezr 7:12 hanggang 7:26 ay unang isinulat sa wikang Aramaiko.
O “eskriba.”
Lit., “nasa kamay mo.”
Lit., “makikita.”
O “lalaking baka.”
O “batang tupa.”
O “sa kanluran ng Eufrates.”
O “eskriba.”
Ang isang talento ay 34.2 kg. Tingnan ang Ap. B14.
Ang isang kor ay 220 L. Tingnan ang Ap. B14.
Ang isang bat ay 22 L (5.81 gal). Tingnan ang Ap. B14.
Sa orihinal na wika, tatlong uri ng buwis ang binanggit: buwis sa bawat indibidwal, buwis sa mga produkto, at buwis sa paggamit ng daan.
O “mga Netineo.” Lit., “mga ibinigay.”
Lit., “ayon sa karunungan ng iyong Diyos na nasa iyong kamay.”
O “Pinalakas ko ang sarili ko.”
Lit., “ulo.”
O “mga Netineo.” Lit., “mga ibinigay.”
O “mga Netineo.” Lit., “mga ibinigay.”
Tingnan sa Glosari, “Pag-aayuno.”
Lit., “humahanap.”
Ang isang talento ay 34.2 kg. Tingnan ang Ap. B14.
Ang darik ay isang baryang ginto ng Persia noon. Tingnan ang Ap. B14.
O “silid-kainan.”
O “magnanakaw.”
O “lalaking baka.”
O “batang tupa.”
Titulo na nangangahulugang “tagapagtanggol ng kaharian.” Dito, tumutukoy ito sa mga gobernador ng mga distritong sakop ng Imperyo ng Persia.
O “sa kanluran ng Eufrates.”
Lit., “binhi.”
O “panloob na damit at damit na walang manggas.”
Lit., “ng nanginginig.”
O “tulos na pantolda.”
O “pader na nagsisilbing proteksiyon.”
O “nag-uwi kami sa bahay.”
Lit., “mga nanginginig.”
O “silid-kainan.”
O “aalisan siya ng karapatan sa.”
O “bakuran.”
Lit., “ibinigay nila ang mga kamay nila.”