IKALAWANG LIHAM SA MGA TAGA-CORINTO
1 Ako si Pablo, isang apostol ni Kristo Jesus ayon sa kalooban ng Diyos, at kasama ko si Timoteo+ na ating kapatid; sumusulat ako sa kongregasyon ng Diyos sa Corinto at sa lahat ng banal sa buong Acaya:+
2 Sumainyo nawa ang walang-kapantay na kabaitan at kapayapaan mula sa Diyos na ating Ama at mula sa Panginoong Jesu-Kristo.
3 Purihin nawa ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Kristo,+ ang Ama na magiliw at maawain+ at ang Diyos na nagbibigay ng kaaliwan sa anumang sitwasyon,+ 4 ang umaaliw sa atin sa harap ng lahat ng pagsubok,+ para maaliw rin natin ang iba+ na napapaharap sa anumang pagsubok sa pamamagitan ng kaaliwan na tinanggap natin mula sa Diyos.+ 5 Dahil kung paanong marami tayong pagdurusa para sa Kristo,+ marami rin tayong tinatanggap na kaaliwan sa pamamagitan ng Kristo. 6 Kaya kapag dumaranas kami ng pagsubok, para iyon sa inyong kaaliwan at kaligtasan; at kapag naaaliw kami, para iyon sa inyong kaaliwan, na tumutulong sa inyo na matiis ang mga pagdurusang napapaharap din sa amin.+ 7 At buo ang tiwala namin sa inyo, dahil pare-pareho nating alam na kung paanong nagdurusa kayo gaya namin, maaaliw rin kayo gaya namin.+
8 Dahil gusto naming malaman ninyo, mga kapatid, ang kapighatiang naranasan namin sa lalawigan* ng Asia.+ Dumanas kami ng matinding hirap na higit sa makakaya namin, at inisip naming mamamatay na kami.+ 9 Ang totoo, pakiramdam namin ay nasentensiyahan kami ng kamatayan. Pero nangyari ito para huwag kaming magtiwala sa sarili namin, kundi sa Diyos+ na bumubuhay ng patay. 10 Iniligtas niya kami mula sa banta ng kamatayan at muli niya kaming ililigtas; nagtitiwala kami na patuloy pa rin niya kaming ililigtas.+ 11 Matutulungan din ninyo kami sa pamamagitan ng pagsusumamo para sa amin;+ sa gayon, marami ang magpapasalamat* para sa kabaitang ipinakita sa amin bilang sagot sa panalangin ng marami.+
12 Ito ang ipinagmamalaki namin: Nagpapatotoo ang konsensiya* namin na nagpakita kami ng kabanalan at kataimtiman na mula sa Diyos sa gitna ng sanlibutan, at lalo na sa gitna ninyo. Hindi kami nagtiwala sa karunungan ng sanlibutan,+ kundi sa walang-kapantay na kabaitan ng Diyos. 13 Dahil ang mga isinusulat lang namin sa inyo ay ang mga bagay na madali ninyong mabasa at maunawaan,* at umaasa akong patuloy ninyong uunawain nang lubos ang mga ito, 14 kung paanong naunawaan at tinanggap ng ilan sa inyo na maipagmamalaki ninyo kami, kung paanong maipagmamalaki rin namin kayo sa araw ng ating Panginoong Jesus.+
15 Dahil nagtitiwala ako rito, gusto ko sana noon na pumunta sa inyo+ para magkaroon kayo ng ikalawang dahilan para magsaya; 16 dahil gusto ko sanang dalawin kayo noong papunta ako sa Macedonia at bumalik sa inyo pagkagaling sa Macedonia, at pagkatapos ay magpasama sa inyo sa simula ng paglalakbay ko sa Judea.+ 17 Noong pinlano kong gawin iyon, hindi ko iyon itinuring na maliit na bagay lang. At hindi ako nagplano ayon sa kaisipan ng tao, na kahit sinabi kong “Oo, oo” ay “Hindi, hindi” naman pala. 18 Kung paanong makapagtitiwala kayo sa Diyos, makapagtitiwala rin kayo na hindi namin sasabihing “oo” pero “hindi” pala. 19 Dahil ang Anak ng Diyos, si Jesu-Kristo, na ipinangaral namin sa inyo nina Silvano at Timoteo,+ ay hindi nagsasabing “oo” pero “hindi” naman pala, kundi ang kaniyang “oo” ay laging “oo.” 20 Dahil gaano man karami ang mga pangako ng Diyos, ang mga iyon ay naging “oo” sa pamamagitan niya.+ Kaya naman sa pamamagitan din niya, sinasabi natin sa Diyos ang “Amen,”+ na nagbibigay sa Kaniya ng kaluwalhatian. 21 Ang Diyos ang gumagarantiya na kayo at kami ay kay Kristo, at Siya ang pumili* sa atin.+ 22 Inilagay rin niya sa atin ang kaniyang tatak;+ inilagay niya sa ating mga puso ang espiritu+ bilang garantiya ng darating.
23 Kinukuha ko ang Diyos bilang saksi ko: Hindi pa ako pumupunta sa Corinto dahil ayokong mas mapalungkot pa kayo. 24 Hindi sa kami ang mga panginoon ng inyong pananampalataya,+ kundi mga kamanggagawa kami para sa inyong kagalakan, dahil nakatayo kayong matatag sa pamamagitan ng inyong pananampalataya.
2 Ipinasiya kong huwag na kayong palungkutin pagbalik ko sa inyo. 2 Dahil kung palulungkutin ko kayo, kayo na nagpapasaya sa akin, sino na ang magpapasaya sa akin? 3 Kaya nga sumulat ako noon sa inyo, para pagpunta ko diyan, matutuwa ako at hindi malulungkot dahil sa inyo,+ dahil nagtitiwala ako na ang mga nagpapasaya sa akin ay nagpapasaya rin sa inyong lahat. 4 Dahil noong sumulat ako sa inyo ay lungkot na lungkot ako at punô ng pag-aalala ang puso ko at umiiyak ako. Pero hindi ako sumulat para mapalungkot kayo,+ kundi para ipaalám sa inyo kung gaano ko kayo kamahal.
5 Ngayon kung ang sinuman sa inyo ay nakapagpalungkot,+ hindi ako ang pinalungkot niya, kundi sa paanuman ay kayong lahat—pasensiya na sa pagiging deretsahan. 6 Ang saway na ito na ibinigay ng karamihan ay sapat na para sa gayong tao;+ 7 dapat na ninyo siyang patawarin nang buong puso at aliwin+ para hindi siya madaig ng sobrang kalungkutan.+ 8 Kaya pinapayuhan ko kayong tiyakin sa kaniya na mahal ninyo siya.+ 9 Ito rin ang dahilan ng pagsulat ko sa inyo noon: para malaman kung magiging masunurin kayo sa lahat ng bagay. 10 Ang sinumang pinatatawad ninyo ay pinatatawad ko rin. Ang totoo, anumang bagay na pinatawad ko (kung mayroon man akong pinatawad) ay ginawa ko alang-alang sa inyo sa paningin ng Kristo, 11 para hindi tayo malamangan ni Satanas,+ dahil alam naman natin ang mga pakana niya.+
12 Nang dumating ako sa Troas+ para ihayag ang mabuting balita tungkol sa Kristo at isang pinto ang nabuksan sa akin sa gawain ng Panginoon, 13 hindi ako napanatag dahil hindi ko nakita ang kapatid kong si Tito.+ Kaya nagpaalam ako sa kanila, at pumunta ako sa Macedonia.+
14 Pero salamat sa Diyos! Lagi niya tayong inaakay sa isang prusisyon ng tagumpay kasama ng Kristo, at ginagamit niya tayo para ipalaganap ang halimuyak ng kaalaman tungkol sa kaniya sa lahat ng lugar! 15 Dahil para sa Diyos, tayo ay mabangong amoy ni Kristo sa gitna ng mga inililigtas at sa gitna ng mga malilipol; 16 sa mga malilipol ay amoy ng kamatayan na umaakay sa kamatayan+ at sa mga inililigtas ay halimuyak ng buhay na umaakay sa buhay. At sino ang lubusang kuwalipikado para sa mga bagay na ito? 17 Kami nga, dahil hindi kami tagapaglako ng salita ng Diyos+ gaya ng marami, kundi taimtim kaming nagsasalita bilang mga isinugo ng Diyos, oo, bilang mga tagasunod ni Kristo sa harap ng Diyos.
3 Kailangan ba ulit naming magpakilala* sa inyo? O gaya ng iba, kailangan ba naming magbigay sa inyo ng mga liham ng rekomendasyon o tumanggap nito mula sa inyo?+ 2 Kayo mismo ang liham namin,+ na nakasulat sa aming mga puso at nakikilala at binabasa ng buong sangkatauhan. 3 Malinaw na kayo ay isang liham ni Kristo na isinulat namin bilang mga lingkod,+ na isinulat hindi gamit ang tinta kundi sa pamamagitan ng espiritu ng Diyos na buháy, at hindi sa mga tapyas ng bato,+ kundi sa mga tapyas ng laman, sa mga puso.+
4 Sa harap ng Diyos, taglay namin ang pagtitiwalang ito sa pamamagitan ng Kristo. 5 Hindi namin sinasabi na lubusan kaming kuwalipikado sa gawaing ito dahil sa sarili naming kakayahan; naging kuwalipikado kami dahil sa Diyos.+ 6 Dahil sa kaniya, naging lubusan kaming kuwalipikado na maging mga lingkod ng isang bagong tipan,+ na ginagabayan ng espiritu at hindi ng isang nasusulat na Kautusan;+ dahil ang nasusulat na Kautusan ay nagpapataw ng hatol na kamatayan,+ pero ang espiritu ay bumubuhay.+
7 Ngayon, kung ang Kautusan na nagpapataw ng kamatayan+ at nakaukit sa bato+ ay napakaluwalhati kung kaya hindi matitigan ng mga Israelita ang mukha ni Moises dahil sa kaluwalhatian nito+—isang kaluwalhatiang aalisin— 8 hindi ba mas maluwalhati ang mga bagay na kayang gawin ng espiritu?+ 9 Dahil kung maluwalhati ang Kautusan+ na nagpapataw ng hatol na kamatayan,+ di-hamak na mas maluwalhati ang paglalapat ng katuwiran!+ 10 Ang totoo, kahit ang ginawang maluwalhati noon ay naalisan ng kaluwalhatian dahil sa kaluwalhatiang nakahihigit dito.+ 11 Dahil kung ang isang bagay na aalisin ay dumating nang may kaluwalhatian,+ di-hamak na mas maluwalhati ang mananatili!+
12 Dahil mayroon tayong gayong pag-asa,+ malaya tayong nakapagsasalita, 13 at hindi tayo gaya ni Moises na nagtakip ng tela sa mukha niya+ para hindi matitigan ng mga Israelita ang katapusan ng bagay na aalisin. 14 Pero pumurol ang isip nila.+ Hanggang ngayon, nananatiling nakatakip ang telang iyon kapag binabasa ang lumang tipan,+ dahil maaalis lang iyon sa pamamagitan ni Kristo.+ 15 Ang totoo, hanggang sa araw na ito, natatalukbungan ang puso nila+ tuwing binabasa ang mga isinulat ni Moises.+ 16 Pero kapag ang isa ay bumabaling kay Jehova, naaalis ang talukbong.+ 17 Si Jehova ang Espiritu,+ at may kalayaan kung nasaan ang espiritu ni Jehova.+ 18 At habang ipinaaaninag natin na gaya ng salamin ang kaluwalhatian ni Jehova dahil hindi natatakpan ang mukha natin, tayong lahat ay nababago nang eksakto kung paano ito ginagawa ni Jehova na Espiritu; nagiging mas kawangis tayo ng Diyos at mas naipaaaninag natin ang kaluwalhatian niya.+
4 Kaya naman, alang-alang sa ministeryong ito+ na tinanggap namin dahil kinaawaan kami, hindi kami sumusuko. 2 Tinalikuran namin ang kahiya-hiyang mga bagay na ginagawa nang pailalim at hindi kami nanlilinlang at hindi namin pinipilipit ang salita ng Diyos,+ kundi ipinahahayag namin ang katotohanan; dahil dito, sa harap ng Diyos ay naging mabuting halimbawa kami sa lahat ng tao.*+ 3 Ang totoo, kung natatalukbungan ang mabuting balita na ipinahahayag namin, natatalukbungan ito para sa mga malilipol, 4 ang mga di-sumasampalataya, na ang isip ay binulag ng diyos ng sistemang ito+ para hindi makatagos ang liwanag ng maluwalhating mabuting balita tungkol sa Kristo,+ na siyang larawan ng Diyos.+ 5 Dahil kapag nangangaral kami, hindi tungkol sa aming sarili ang sinasabi namin kundi tungkol sa pagiging Panginoon ni Jesu-Kristo, at ipinapakilala namin ang aming sarili bilang mga alipin ninyo alang-alang kay Jesus. 6 Dahil ang Diyos ang nagsabi: “Pasikatin ang liwanag mula sa kadiliman,”+ at sa pamamagitan ng mukha ni Kristo, pinasikat niya ang Kaniyang liwanag sa aming mga puso,+ ang liwanag na nagbibigay ng kamangha-manghang kaalaman tungkol sa Diyos.+
7 Gayunman, ibinigay sa amin ang kayamanang ito+ kahit gaya lang kami ng mga sisidlang luwad,+ para maipakita na ang lakas na higit sa karaniwan ay mula sa Diyos at hindi sa aming sarili.+ 8 Kabi-kabila ang panggigipit sa amin,+ pero hindi kami nasusukol; hindi namin alam ang gagawin, pero may nalalabasan pa rin kami;*+ 9 inuusig kami, pero hindi kami pinababayaan;+ ibinabagsak kami, pero nakakabangon kami.*+ 10 Laging pinagtitiisan ng aming katawan ang napakasamang pagtrato na dinanas ni Jesus,+ nang sa gayon, ang buhay ni Jesus ay mahayag din sa aming katawan. 11 Dahil kami na nabubuhay ay laging nalalagay sa bingit ng kamatayan+ alang-alang kay Jesus, nang sa gayon, ang buhay ni Jesus ay mahayag din sa aming mortal na katawan. 12 Kaya kamatayan ang para sa amin, at buhay naman ang para sa inyo.
13 Nasusulat: “Nanampalataya ako, kaya nagsalita ako.”+ Ganiyan din ang ipinapakita naming pananampalataya kaya naman nagsasalita kami, 14 dahil alam naming bubuhayin din kaming muli ng Isa na bumuhay-muli kay Jesus para makasama si Jesus at ihaharap Niya kaming kasama ninyo.+ 15 Lahat ng ito ay para sa inyo, para lalong mag-umapaw ang walang-kapantay na kabaitan dahil mas dumarami pa ang nagpapasalamat, at sa ganitong paraan ay maluluwalhati ang Diyos.+
16 Kaya hindi tayo sumusuko; kahit ang katawan natin ay nanghihina, ang puso at isip natin+ ay nagkakaroon ng panibagong lakas araw-araw.+ 17 Dahil kahit panandalian at magaan ang kapighatian, nagdudulot ito sa atin ng kaluwalhatian na walang katulad* at walang hanggan;+ 18 habang pinananatili nating nakapokus ang ating mga mata, hindi sa mga bagay na nakikita, kundi sa mga bagay na di-nakikita.+ Dahil ang mga bagay na nakikita ay pansamantala, pero ang mga bagay na di-nakikita ay walang hanggan.
5 Alam natin na kung masira ang makalupang bahay natin, ang toldang ito,+ bibigyan tayo ng Diyos ng isang gusali, isang bahay na hindi ginawa ng mga kamay+ at mananatili nang walang hanggan sa langit. 2 Talagang dumaraing tayo sa bahay na ito, at gustong-gusto nating isuot ang bahay mula sa langit na para sa atin,+ 3 para kapag naisuot na natin iyon, hindi na tayo magiging hubad. 4 Ang totoo, tayo na nasa toldang ito ay dumaraing at nabibigatan, hindi dahil sa gusto natin itong hubarin, kundi dahil gusto nating isuot ang isang iyon,+ para ang mortal ay mapalitan ng buhay.+ 5 Ang naghanda sa atin para sa mismong bagay na ito ay ang Diyos,+ na nagbigay sa atin ng espiritu bilang garantiya ng darating.+
6 Kaya buo ang tiwala natin at alam natin na habang ang tahanan natin ay ang katawang ito, wala tayo sa harap ng Panginoon,+ 7 dahil lumalakad tayo ayon sa pananampalataya,+ at hindi ayon sa nakikita natin.+ 8 Wala tayong pagdududa, at mas gusto nating manirahan kasama ng Panginoon sa halip na sa katawang ito.+ 9 Kaya naninirahan man tayong kasama niya o wala tayo sa harap niya, tunguhin natin na maging kalugod-lugod sa kaniya. 10 Dahil tayong lahat ay dapat humarap sa luklukan ng paghatol ng Kristo, para magantihan ang bawat isa ayon sa mga ginawa niya, mabuti man o masama,+ habang nasa katawang ito.
11 Kaya dahil alam naming dapat kaming matakot sa Panginoon, patuloy kaming nanghihikayat, pero kilalang-kilala kami ng Diyos. Pero sana ay kilalang-kilala rin kami ng inyong mga konsensiya. 12 Hindi namin muling inirerekomenda sa inyo ang sarili namin, kundi binibigyan namin kayo ng dahilan para ipagmalaki kami, para may maisagot kayo sa mga nagmamalaki dahil sa panlabas na anyo+ at hindi dahil sa nasa puso. 13 Kung nasisiraan kami ng bait,+ para ito sa Diyos; kung matino ang isip namin, para ito sa inyo. 14 Ang pag-ibig ng Kristo ang nagpapakilos sa amin,+ dahil ito ang naunawaan namin: isang tao ang namatay para sa lahat,+ dahil namatay ang lahat. 15 At namatay siya para sa lahat, nang sa gayon, ang mga nabubuhay ay hindi na mabuhay para sa sarili nila,+ kundi para sa kaniya na namatay alang-alang sa kanila at binuhay-muli.
16 Kaya mula ngayon, hindi na namin tinitingnan ang sinuman ayon sa pananaw ng tao.+ Kung noon ay tiningnan namin si Kristo ayon sa pananaw ng tao, hindi na gayon ang tingin namin sa kaniya ngayon.+ 17 Kaya kung ang sinuman ay kaisa ni Kristo, siya ay isang bagong nilalang;+ lumipas na ang mga lumang bagay, at may mga bagong bagay na umiral. 18 Pero ang lahat ng bagay ay mula sa Diyos; ipinagkasundo niya kami sa sarili niya sa pamamagitan ni Kristo+ at ibinigay niya sa amin ang ministeryo ng pakikipagkasundo,+ 19 ibig sabihin, sa pamamagitan ni Kristo ay ipinakikipagkasundo ng Diyos ang isang sanlibutan sa sarili niya+ at hindi na niya sila pananagutin sa mga kasalanan nila,+ at ipinagkatiwala niya sa amin ang mensahe ng pakikipagkasundo.+
20 Kung gayon, mga embahador kami+ na humahalili kay Kristo,+ na para bang nakikiusap ang Diyos sa pamamagitan namin. Bilang mga kahalili ni Kristo, nakikiusap kami: “Makipagkasundo kayo sa Diyos.” 21 Ang isa na walang kasalanan+ ay ginawa niyang kasalanan alang-alang sa atin, para maging matuwid tayo sa harap ng Diyos sa pamamagitan niya.+
6 Bilang mga kamanggagawa niya,+ hinihimok namin kayo na kung tinanggap ninyo ang walang-kapantay* na kabaitan ng Diyos, huwag ninyo itong bale-walain.+ 2 Dahil sinasabi niya: “Sa isang panahon ng kabutihang-loob ay pinakinggan kita, at sa isang araw ng kaligtasan ay tinulungan kita.”+ Talagang ngayon ang panahon ng kabutihang-loob!+ Ngayon ang araw ng kaligtasan!
3 Hindi kami gumagawa ng anumang bagay na ikakatisod ng iba para hindi mapintasan ang aming ministeryo;+ 4 kundi sa bawat paraan ay inirerekomenda namin ang sarili namin bilang mga lingkod* ng Diyos,+ dahil sa tiniis* naming maraming pagsubok, mga kapighatian, mga kagipitan, mga problema,+ 5 mga pambubugbog,+ mga pagkabilanggo,+ mga gulo, mga pagpapagal, mga gabing walang tulog, at mga panahong walang makain;+ 6 dahil sa kadalisayan, kaalaman, pagtitiis,+ kabaitan,+ banal na espiritu, pag-ibig na walang pagkukunwari,*+ 7 tapat na pananalita, at kapangyarihan ng Diyos;+ sa pamamagitan ng mga sandata ng katuwiran+ sa kanan at kaliwang kamay, 8 sa pamamagitan ng kaluwalhatian at kasiraang-puri, at sa pamamagitan ng masamang ulat at mabuting ulat. Itinuturing kaming mga manlilinlang pero tapat kami, 9 mga di-kilala pero kilala kami, mga malapit nang mamatay pero buháy kami,+ mga pinaparusahan* pero hindi pinapatay,+ 10 mga nalulungkot pero palaging masaya, mga dukha pero pinayayaman ang marami, at mga walang pag-aari pero nagmamay-ari ng lahat ng bagay.+
11 Binuksan namin ang aming bibig para sa inyo, mga taga-Corinto, at binuksan naming mabuti ang aming puso. 12 Hindi namin nililimitahan ang pagmamahal namin sa inyo,+ pero nililimitahan ninyo ang pagmamahal ninyo sa amin. 13 Kaya naman—kinakausap ko kayong parang mga anak ko—buksan din ninyong mabuti ang inyong puso.+
14 Huwag kayong makipagtuwang sa mga di-sumasampalataya.+ Dahil puwede bang pagsamahin ang katuwiran at kasamaan?*+ O ano ang pagkakatulad ng liwanag at kadiliman?+ 15 At puwede bang magkaisa si Kristo at si Belial?+ O may pagkakapareho ba ang isang mananampalataya at isang di-sumasampalataya?+ 16 At ano ang kaugnayan ng templo ng Diyos sa mga idolo?+ Dahil tayo ay templo ng isang Diyos na buháy;+ gaya ng sinabi ng Diyos: “Maninirahan akong kasama nila+ at lalakad sa gitna nila, at ako ang magiging Diyos nila, at sila ay magiging bayan ko.”+ 17 “‘Kaya umalis kayo sa gitna ng mga ito, at humiwalay kayo,’ ang sabi ni Jehova, ‘at huwag na kayong humipo ng maruming bagay’”;+ “‘at tatanggapin ko kayo.’”+ 18 “‘At ako ay magiging isang ama sa inyo,+ at kayo ay ituturing kong mga anak,’*+ ang sabi ni Jehova na Makapangyarihan-sa-Lahat.”
7 Kaya nga, dahil sa mga pangakong ito sa atin,+ mga minamahal, linisin natin ang ating sarili mula sa bawat karumihan ng laman at espiritu+ para maabot natin ang lubos na kabanalan nang may takot sa Diyos.+
2 Bigyan ninyo kami ng puwang sa puso ninyo.+ Wala kaming ginawan ng mali, pinasamâ, o dinaya.+ 3 Hindi ko ito sinasabi para hatulan kayo. Dahil sinabi ko na sa inyo na mamatay man tayo o mabuhay, mananatili kayo sa puso namin. 4 Nakakausap ko kayo nang tapatan. Talagang ipinagmamalaki ko kayo. Panatag ang loob ko; nag-uumapaw ako sa saya sa kabila ng lahat ng paghihirap namin.+
5 Ang totoo, nang dumating kami sa Macedonia,+ hindi kami naginhawahan kundi patuloy kaming nahirapan sa bawat paraan—may mga pagsalakay ng mga kaaway mula sa labas at may takot sa puso namin. 6 Pero nang dumalaw si Tito, inaliw kami ng Diyos, na umaaliw sa mga nalulungkot.+ 7 Hindi lang ang pagdating niya ang nakaaliw sa amin. Naaliw rin kami dahil masaya siyang bumalik dahil sa inyo. Ibinalita niya ang kagustuhan ninyong makita ako, ang matinding kalungkutan ninyo, at ang tunay na pagmamalasakit ninyo sa akin; kaya lalo pa akong nagsaya.
8 Kahit napalungkot ko kayo dahil sa liham ko,+ hindi ko iyon pinagsisisihan. Kung pinagsisihan ko man iyon noong una, (dahil nakita kong napalungkot kayo ng liham na iyon, pero sandali* lang naman), 9 natutuwa ako ngayon, hindi dahil nalungkot kayo kundi dahil inakay kayo ng inyong kalungkutan sa pagsisisi. Ang kalungkutan ninyo ay ayon sa kalooban ng Diyos, kaya hindi kayo napinsala dahil sa amin. 10 Dahil ang kalungkutan na ayon sa kalooban ng Diyos ay umaakay sa pagsisisi at kaligtasan, kaya hindi ito panghihinayangan;+ pero ang makasanlibutang kalungkutan ay nagbubunga ng kamatayan. 11 Tingnan ninyo kung ano ang naging epekto sa inyo ng inyong kalungkutan na ayon sa kalooban ng Diyos! Nilinis ninyo ang inyong pangalan, nagalit kayo, natakot, nanabik, at talagang nagsikap na itama ang mali!+ Ginawa ninyo nang tama ang lahat ng bagay para malutas ang problemang ito. 12 Sumulat ako sa inyo, hindi para sa nagkasala o para sa nagawan ng kasalanan,+ kundi para maipakita ninyo sa Diyos ang matinding kagustuhan ninyo na makinig sa amin. 13 Iyan ang dahilan kaya kami naaliw.
Pero bukod sa kaaliwang nadama namin, mas natuwa kami dahil masayang-masaya si Tito, dahil napatibay siya sa inyong lahat. 14 Ipinagmalaki ko kayo sa kaniya, at hindi ako napahiya. Kung paanong totoo ang lahat ng sinabi namin sa inyo, napatunayan ding totoo ang lahat ng ipinagmalaki namin kay Tito. 15 At lalo pa kayong napapamahal sa kaniya kapag naaalaala niya ang pagkamasunurin ninyong lahat,+ kung paanong tinanggap ninyo siya nang may matinding paggalang. 16 Masaya ako dahil tiwala akong gagawin ninyo ang tama sa lahat ng bagay.
8 Ngayon, mga kapatid, gusto naming malaman ninyo kung ano ang nagawa ng walang-kapantay na kabaitan ng Diyos sa mga kongregasyon sa Macedonia.+ 2 Nagdurusa sila sa panahon ng matinding pagsubok. Pero kahit napakahirap nila, masayang-masaya pa rin sila at napakabukas-palad. 3 Ibinigay nila ang lahat ng maibibigay nila,+ ang totoo, higit pa nga sa kaya nilang ibigay.+ At mapapatotohanan ko ito. 4 Sila pa mismo ang paulit-ulit na nakikiusap sa amin na payagan silang magbigay at makapaglingkod din sa mga banal.*+ 5 At higit pa sa inaasahan namin ang ginawa nila; ibinigay nila ang sarili nila sa Panginoon at sa amin din ayon sa kalooban ng Diyos. 6 Kaya hinimok namin si Tito na tapusin ang sinimulan niyang paglikom sa tulong+ na buong puso ninyong ibinibigay. 7 Gayunman, kung paanong nag-uumapaw kayo sa lahat ng bagay, sa pananampalataya, kakayahang magsalita, kaalaman, debosyon, at sa pag-ibig namin sa inyo, maging bukas-palad din sana kayo sa ganitong uri ng pagbibigay.+
8 Sinasabi ko ito, hindi para utusan kayo, kundi para malaman ninyo ang debosyon ng iba at para masubok kung tunay ang pag-ibig ninyo. 9 Dahil alam ninyo ang walang-kapantay na kabaitan ng ating Panginoong Jesu-Kristo, na bagaman mayaman siya, naging mahirap siya alang-alang sa inyo,+ para yumaman kayo sa pamamagitan ng kahirapan niya.
10 At ito ang opinyon ko rito:+ Para ito sa kapakinabangan ninyo, dahil nakita kong sinimulan na ninyo ito isang taon na ang nakalilipas, at talagang gusto ninyo itong gawin.+ 11 Kaya tapusin na ninyo ang sinimulan ninyo. At ang maibibigay ninyo ayon sa kakayahan ninyo ay magpapatunay ng pagiging handa ninyong magbigay. 12 Dahil kung may pananabik ang isang tao, nagiging kalugod-lugod ang ibinibigay niya; hindi inaasahan na ibibigay ng isa ang hindi niya kayang ibigay kundi kung ano lang ang kaya niya.+ 13 Hindi naman sa gusto ko kayong mahirapan at madalian ang iba, 14 pero mapupunan ng inyong labis sa ngayon ang kailangan nila at ng labis nila ang kailangan ninyo para magkaroon ng pagpapantay-pantay. 15 Gaya ng nasusulat: “Hindi nagkaroon ng sobra-sobra ang taong sagana, at hindi naman kinapos ang taong kaunti ang taglay.”+
16 Ipinagpapasalamat namin sa Diyos na ang malasakit sa inyo ni Tito ay gaya ng malasakit namin sa inyo.+ 17 Dahil talagang sinunod niya ang sinabi namin sa kaniya, at dahil gustong-gusto niyang gawin iyon, pupunta siya sa inyo nang kusang-loob. 18 Pero pasasamahin namin sa kaniya ang kapatid na puring-puri sa lahat ng kongregasyon dahil sa pangangaral nito ng mabuting balita. 19 Hindi lang iyan. Inatasan din siya ng mga kongregasyon na sumama sa aming paglalakbay habang ipinamamahagi namin ang nalikom na tulong para sa kaluwalhatian ng Panginoon at bilang patunay na gusto naming tumulong sa iba. 20 Sa gayon, hindi kami makikitaan ng mali sa pamamahagi namin sa ibinigay ninyong malaking kontribusyon.+ 21 Dahil ‘tapat kami sa pag-aasikaso sa lahat ng bagay, hindi lang sa paningin ni Jehova, kundi pati sa paningin ng mga tao.’+
22 Isa pa, pasasamahin namin sa kanila ang ating kapatid na maraming beses na naming napatunayang masipag* sa maraming bagay. Pero mas masipag pa siya ngayon dahil malaki ang tiwala niya sa inyo. 23 Pero kung may nag-aalinlangan kay Tito, sinasabi ko sa inyo na siya ay kasama* ko at kamanggagawa para sa kapakanan ninyo; o kung may nag-aalinlangan sa mga kapatid na kasama niya, sila ay mga apostol ng mga kongregasyon at nagbibigay ng kaluwalhatian kay Kristo. 24 Kaya ipakita ninyo sa kanila na mahal ninyo sila,+ at ipakita ninyo sa mga kongregasyon kung bakit namin kayo ipinagmamalaki.
9 Ngayon, may kinalaman sa paglilingkod sa mga banal,+ hindi ko na talaga kailangang sumulat sa inyo, 2 dahil alam kong handa kayong tumulong, at ipinagmamalaki ko sa mga taga-Macedonia na isang taon nang nakahanda ang Acaya, at ang buong-pusong pagsisikap ninyo ay nagpakilos sa karamihan sa kanila. 3 Pero papupuntahin ko riyan ang mga kapatid para talagang maging handa kayo gaya ng sinabi ko tungkol sa inyo at para mapatunayan na gusto ninyong tumulong gaya ng ipinagmamalaki namin. 4 Dahil kung sasama sa akin ang mga taga-Macedonia sa pagpunta riyan at maabutan kayong hindi handa, mapapahiya kami—pero pati kayo—dahil sa pagtitiwala namin sa inyo. 5 Kaya naisip kong kailangan kong himukin ang mga kapatid na maunang pumunta sa inyo para maihanda nang patiuna ang bukal-sa-pusong kontribusyon na ipinangako ninyo; sa gayon, ito ay magiging isang regalo na ibinigay nang bukal sa puso at hindi sapilitan.
6 Pero may kinalaman dito, ang naghahasik ng kaunti ay mag-aani rin ng kaunti, at ang naghahasik ng marami ay mag-aani rin ng marami.+ 7 Magbigay ang bawat isa nang mula sa puso, hindi mabigat sa loob o napipilitan,+ dahil mahal ng Diyos ang masayang nagbibigay.+
8 Isa pa, magagawa ng Diyos na ibuhos sa inyo ang kaniyang walang-kapantay na kabaitan para hindi kayo magkulang sa mga pangangailangan ninyo at managana rin kayo sa anumang kinakailangan para sa bawat mabuting gawa.+ 9 (Gaya ng nasusulat: “Namahagi siya sa marami; nagbigay siya sa mga dukha. Ang katuwiran* niya ay mananatili magpakailanman.”+ 10 Ngayon, ang Isa na saganang naglalaan ng binhi sa manghahasik at ng tinapay na makakain ay saganang maglalaan sa inyo ng binhing ihahasik, at pararamihin niya ang mga bunga ng inyong katuwiran.) 11 Pinagpapala kayo sa lahat ng bagay para maging bukas-palad kayo sa iba’t ibang paraan, at magpapasalamat ang mga tao sa Diyos dahil sa kontribusyon ninyo na dadalhin namin; 12 dahil ang pangmadlang paglilingkod na ito ay hindi lang pupuno sa pangangailangan ng mga banal+ kundi mag-uudyok din sa marami na magpasalamat sa Diyos. 13 Ang pagbibigay ninyo ng tulong ay patunay kung anong uri kayo ng mga tao, at bilang resulta, luluwalhatiin nila ang Diyos dahil isinasabuhay ninyo ang mensaheng ipinangangaral ninyo, ang mabuting balita tungkol sa Kristo, at dahil bukas-palad kayong nagbigay sa kanila at sa lahat ng iba pa.+ 14 At mamahalin nila kayo at magsusumamo sila para sa inyo, dahil sa walang-kapantay* na kabaitan ng Diyos sa inyo.
15 Salamat sa Diyos dahil sa kaniyang walang-bayad na regalo na hindi mailarawan ng mga salita.
10 Ako mismo, si Pablo, ay nakikiusap sa inyo ngayon. Tinutularan ko ang kahinahunan at kabaitan ng Kristo+ sa pakikipag-usap sa inyo. Gayunman, sinasabi ng ilan na mukha akong mahina kapag nasa harap ninyo+ pero matapang kapag hindi ninyo kaharap.+ 2 Umaasa ako na kapag nariyan na ako, hindi ko na kakailanganing maging matapang at magbigay ng matitinding saway sa ilan na nag-iisip na lumalakad kami ayon sa makasanlibutang kaisipan.*+ 3 Dahil kahit namumuhay kami gaya ng ibang tao, hindi kami nakikipagdigma na gaya ng mga tao sa sanlibutang ito.* 4 Dahil ang mga sandata namin sa pakikipagdigma ay hindi mula sa mga tao;+ ang malalakas na sandatang ito ay mula sa Diyos+ at magagamit para pabagsakin ang mga bagay na matibay ang pagkakatatag. 5 Dahil ibinabagsak namin ang maling mga pangangatuwiran at bawat bagay na humahadlang sa mga tao na magkaroon ng kaalaman sa Diyos,+ at binibihag namin ang bawat kaisipan para maging masunurin ito sa Kristo; 6 at handa kaming maglapat ng parusa sa sinumang sumusuway,+ matapos ninyong patunayan na talagang masunurin na kayo.*
7 Hinahatulan ninyo ang mga bagay ayon sa panlabas na anyo. Kung lubusang naniniwala ang isa na siya ay kay Kristo, pag-isipan sana niyang muli ang katotohanang ito: Kung paanong siya ay kay Kristo, gayon din kami. 8 Dahil kahit pa ipagmalaki ko nang sobra-sobra ang awtoridad na ibinigay sa amin ng Panginoon para patibayin kayo at hindi pahinain,+ hindi ako mapapahiya. 9 Pero ayoko namang lumitaw na tinatakot ko kayo sa mga liham ko. 10 Dahil sinasabi nila: “Ang mga liham niya ay may awtoridad at mapuwersa, pero mahina naman siya kapag kaharap natin at walang kuwenta ang sinasabi niya.” 11 Pero ipinaaalam ko sa taong nag-iisip ng ganito na kung ano ang sinasabi namin sa mga liham, iyon ang gagawin namin pagdating diyan.+ 12 Hindi kami katulad ng mga taong ipinagmamalaki ang sarili nila, at ayaw naming ikumpara ang sarili namin sa kanila.+ Wala silang unawa, dahil hinahatulan nila ang isa’t isa at ang kanilang sarili ayon sa sarili nilang pamantayan.+
13 Pero hindi namin ipagmamalaki ang lampas sa saklaw ng atas namin, kundi ang nasa loob lang ng teritoryo na iniatas sa amin ng Diyos,* at kasama kayo roon.+ 14 Kaya hindi kami lumampas sa saklaw ng atas namin nang pumunta kami sa inyo, dahil ang totoo, kami ang unang nagbahagi sa inyo ng mabuting balita tungkol sa Kristo.+ 15 Hindi namin ipinagmamalaki ang nagawa ng iba, na nasa labas ng teritoryong iniatas sa amin. Sa halip, umaasa kami na habang lumalakas ang inyong pananampalataya, susulong din ang nagawa namin, sa loob ng aming teritoryo, at mas lalawak pa ang saklaw ng gawain namin, 16 para maihayag din namin ang mabuting balita sa mga lupaing mas malayo sa inyo, nang sa gayon, hindi ang mga nagawa ng iba sa teritoryo nila ang ipagmalaki namin. 17 “Kundi siya na nagmamalaki, ipagmalaki niya si Jehova.”+ 18 Dahil hindi ang taong nagrerekomenda sa sarili niya ang may pagsang-ayon ng Diyos,+ kundi ang inirerekomenda ni Jehova.+
11 Pagtiisan sana ninyo ako kahit parang wala ako sa katuwiran. Pero sa totoo lang, pinagtitiisan na ninyo ako! 2 Dahil ang malasakit ko sa inyo ay gaya ng malasakit ng Diyos, dahil ako mismo ang nangako na ipakakasal ko kayo sa isang lalaki,* ang Kristo, at gusto kong iharap kayo sa kaniya bilang isang malinis na birhen.+ 3 Pero natatakot ako na sa paanuman, kung paanong nadaya ng ahas si Eva sa tusong paraan,+ ang mga pag-iisip ninyo ay malason din at maiwala ninyo ang inyong kataimtiman at kalinisan* na nararapat sa Kristo.+ 4 Dahil ang totoo, kapag may dumarating at nangangaral tungkol sa isang Jesus na iba sa ipinangangaral namin o kapag may nagbibigay sa inyo ng isang espiritu na iba sa taglay na ninyo* o kapag may nagdadala sa inyo ng mabuting balita na iba sa tinanggap na ninyo,+ tinatanggap ninyo siya. 5 Dahil wala akong makitang dahilan para masabing nakabababa ako sa ubod-galing na mga apostol ninyo.+ 6 Dahil kahit hindi ako mahusay sa pagsasalita,+ mayroon naman akong kaalaman;+ at malinaw namin itong ipinapakita sa inyo sa lahat ng bagay.
7 Nagkasala ba ako nang ibaba ko ang sarili ko para maitaas kayo at nang malugod kong ihayag sa inyo nang walang bayad ang mabuting balita ng Diyos?+ 8 Tinustusan ng ibang mga kongregasyon ang mga pangangailangan ko para makapaglingkod ako sa inyo, kaya parang napagnakawan ko sila.+ 9 Pero noong nariyan akong kasama ninyo at nangailangan ako, hindi ako naging pabigat sa sinuman, dahil saganang inilaan ng mga kapatid sa Macedonia ang mga pangangailangan ko.+ Oo, sa bawat paraan, sinikap kong hindi maging pabigat sa inyo at patuloy kong gagawin iyon.+ 10 Hangga’t ako ay isang tagasunod ni Kristo, patuloy ko itong ipagmamalaki+ sa buong Acaya. 11 Bakit? Dahil hindi ko kayo mahal? Alam ng Diyos na mahal ko kayo.+
12 May ilan na nagyayabang, at sinasabi nilang kapantay namin sila. Kaya ipagpapatuloy ko lang ang ginagawa ko+ para mawalan sila ng dahilang magyabang. 13 Dahil ang gayong mga tao ay huwad na mga apostol, mapanlinlang na mga manggagawa, na nagkukunwaring mga apostol ni Kristo.+ 14 At hindi naman iyon nakapagtataka, dahil si Satanas mismo ay laging nagkukunwaring isang anghel ng liwanag.+ 15 Kaya hindi nakakagulat kung ang mga lingkod niya ay lagi ring nagkukunwari na mga lingkod ng katuwiran. Pero ang magiging wakas nila ay ayon sa mga ginagawa nila.+
16 Sasabihin ko ulit: Huwag ninyong isipin na wala ako sa katuwiran. Pero kung maisip ninyo iyon, pagtiisan lang ninyo ako, para makapagmalaki rin ako nang kaunti.+ 17 Nagsasalita ako ngayon hindi kaayon ng halimbawa ng Panginoon kundi gaya ng taong wala sa katuwiran, na mayabang at sobra ang tiwala sa sarili. 18 Marami ang nagmamalaki dahil sa mga bagay sa sanlibutan, kaya magmamalaki rin ako. 19 Dahil “napakamakatuwiran” ninyo, malugod ninyong pinagtitiisan ang mga wala sa katuwiran. 20 Ang totoo, pinagtitiisan ninyo ang sinumang umaalipin sa inyo, nananamantala sa inyo, nang-aagaw sa taglay ninyo, nagmamataas sa inyo, at sumasampal sa inyo.
21 Nakakahiya na nasabi namin ito, dahil baka isipin ng ilan na mahina kami.
Pero kung hindi nahihiya ang ibang tao na magmalaki, hindi rin ako mahihiya, kahit pa isipin ng ilan na wala ako sa katuwiran.+ 22 Hebreo ba sila? Ako rin.+ Israelita ba sila? Ako rin. Supling ba sila ni Abraham? Ako rin.+ 23 Lingkod ba sila ni Kristo? Sasagot akong gaya ng isang baliw, di-hamak na nakahihigit ako sa kanila: mas marami akong ginawa,+ mas madalas akong nabilanggo,+ napakaraming hampas ang tiniis ko, at maraming beses akong nalagay sa bingit ng kamatayan.+ 24 Limang beses akong tumanggap sa mga Judio ng 40 hampas na kulang ng isa,+ 25 tatlong beses akong pinaghahampas,+ minsan akong pinagbabato,+ tatlong beses na nawasak ang barkong sinasakyan ko,+ at isang gabi at isang araw akong nasa gitna ng dagat; 26 sa madalas kong paglalakbay, ilang beses akong nanganib sa mga ilog, sa mga magnanakaw, sa mga kalahi ko,+ sa ibang mga bansa,+ sa lunsod,+ sa ilang, sa dagat, at sa gitna ng nagkukunwaring mga kapatid; 27 nagtrabaho rin ako nang mabigat at nagpakahirap, maraming beses akong hindi makatulog sa gabi,+ nagutom ako at nauhaw,+ madalas akong walang pagkain,+ at gininaw ako at walang maisuot.
28 Bukod sa lahat ng paghihirap na iyon, araw-araw rin akong nag-aalala para sa lahat ng kongregasyon.+ 29 Kung may nanghihina, hindi ba nanghihina rin ako? Kung may natisod, hindi ba nagagalit ako?
30 Kung kailangan kong magmalaki, ipagmamalaki ko ang mga bagay na nagpapakita ng kahinaan ko. 31 Alam ng Diyos at Ama ng Panginoong Jesus, ang Isa na dapat purihin magpakailanman, na hindi ako nagsisinungaling. 32 Sa lunsod ng Damasco, nagbabantay ang gobernador na nasa ilalim ni Aretas na hari para mahuli ako, 33 pero sakay ng isang basket, ibinaba ako sa isang bintana na nasa pader ng lunsod,+ kaya nakatakas ako sa kaniya.
12 Kailangan kong magmalaki. Wala akong pakinabang dito, pero sasabihin ko ang tungkol sa makahimalang mga pangitain+ at pagsisiwalat ng Panginoon.+ 2 May kilala akong tao na kaisa ni Kristo. Labing-apat na taon na ang nakararaan, inagaw siya papunta sa ikatlong langit—kung sa pisikal na katawan man ito o hindi, hindi ko alam; Diyos ang nakaaalam. 3 Oo, may kilala akong gayong tao. Kung sa pisikal na katawan man o hindi, hindi ko alam; Diyos ang nakaaalam 4 —ang taong ito ay inagaw papunta sa paraiso, at may narinig siyang mga salita na hindi dapat bigkasin at hindi puwedeng sabihin ng tao. 5 Ipagmamalaki ko ang gayong tao, pero hindi ko ipagmamalaki ang sarili ko, maliban kung tungkol sa mga kahinaan ko.+ 6 Dahil kung sakaling gusto kong magmalaki, nasa katuwiran pa rin ako, dahil katotohanan ang sasabihin ko. Pero nagpipigil ako para walang sinumang pumuri sa akin nang higit kaysa sa nakikita o naririnig niya sa akin, 7 dahil lang sa kamangha-manghang mga bagay na isiniwalat sa akin.
Kaya para hindi ako magmataas, binigyan ako ng isang tinik sa laman,+ isang anghel ni Satanas, na laging sasampal sa akin para hindi ako magmataas. 8 Tatlong beses akong nakiusap sa Panginoon na alisin ito. 9 Pero sinabi niya: “Sapat na ang walang-kapantay* na kabaitan ko sa iyo, dahil lubusang makikita ang kapangyarihan ko kapag mahina ang isa.”+ Kaya natutuwa akong ipagmalaki ang mga kahinaan ko, para ang kapangyarihan ng Kristo ay manatili sa akin, na gaya ng isang tolda sa ibabaw ko. 10 Kaya nalulugod ako sa mga kahinaan, insulto, panahon ng pangangailangan, at pag-uusig at problema alang-alang kay Kristo. Dahil kung kailan ako mahina, saka naman ako malakas.+
11 Hindi ako naging makatuwiran, pero kayo ang dahilan, dahil dapat sana ay inirekomenda ninyo ako.+ Dahil kahit wala akong kabuluhan sa tingin ninyo, sa anumang paraan ay hindi ako nakabababa sa inyong ubod-galing na mga apostol.*+ 12 Ang totoo, nakita ninyo sa akin ang mga palatandaan ng isang apostol: may matinding pagtitiis*+ at nagsasagawa ng mga tanda, kamangha-manghang mga bagay, at makapangyarihang mga gawa.*+ 13 Ang dahilan lang kung bakit kayo naging nakabababa sa lahat ng ibang kongregasyon ay dahil hindi ako naging pabigat sa inyo.+ Patawarin ninyo ako sa pagkakamaling ito.
14 Ito ang ikatlong beses na naghanda akong pumunta sa inyo, at hindi ako magiging pabigat. Dahil ang hangad ko ay hindi ang mga ari-arian ninyo,+ kundi kayo; dahil hindi ang mga anak+ ang inaasahang mag-ipon para sa mga magulang nila, kundi ang mga magulang para sa mga anak nila.+ 15 Malulugod akong ibigay sa inyo ang lahat ng mayroon ako, pati na ang buhay ko.+ Kung mahal na mahal ko kayo, hindi ba ako karapat-dapat sa ganito ring pagmamahal?+ 16 Sa kabila nito, hindi ko kayo pinabigatan.+ Pero sinasabi ninyo na “tuso” ako at hinuli ko kayo “gamit ang panlilinlang.” 17 Sinamantala ko ba kayo sa pamamagitan ng sinumang isinugo ko sa inyo? 18 Hinimok ko si Tito na pumunta sa inyo at pinapunta ko rin ang kapatid na kasama niya. Sinamantala ba kayo ni Tito sa anumang paraan? Hindi!+ Hindi ba pareho kami ng kaisipan? Hindi ba lumakad kami sa iisang landas?
19 Iniisip ba ninyo na ipinagtatanggol namin ang sarili namin sa inyo? Sa harap ng Diyos kami nagsasalita bilang mga tagasunod ni Kristo. Ang totoo, ginagawa namin ang lahat ng ito para mapatibay kayo, mga minamahal. 20 Dahil natatakot ako na kapag dumating ako, madatnan ko kayo sa kalagayang hindi ko gusto at hindi rin ninyo magustuhan ang reaksiyon ko;+ baka ang maabutan ko ay mga away, inggitan, pagsiklab ng galit, pagtatalo, paninira nang talikuran, bulong-bulungan, pagmamalaki, at kaguluhan. 21 Baka pagbalik ko riyan, hayaan ng aking Diyos na makadama ako ng kahihiyan sa harap ninyo, at baka kailangan kong magdalamhati dahil sa marami na namuhay nang makasalanan pero hindi pinagsisihan ang kanilang karumihan at seksuwal na imoralidad at paggawi nang may kapangahasan.
13 Ito ang ikatlong pagkakataon na pupunta ako sa inyo. “Sa patotoo ng dalawa o tatlong saksi ay mapagtitibay ang bawat bagay.”+ 2 Kahit wala ako riyan ngayon, para na rin akong nakapunta riyan nang dalawang beses, at patiuna kong binababalaan ang mga nagkasala noon at ang lahat ng iba pa, na kung sakaling bumalik ako riyan, hindi ko sila paliligtasin,+ 3 dahil naghahanap kayo ng patunay kung talagang nagsasalita sa pamamagitan ko si Kristo, na hindi mahina kundi makapangyarihan sa gitna ninyo. 4 Totoo, naipako siya sa tulos dahil sa kaniyang mahinang kalagayan, pero buháy siya ngayon dahil sa kapangyarihan ng Diyos.+ Totoo rin na mahina kami gaya niya noon, pero mabubuhay kaming kasama niya+ dahil sa kapangyarihan ng Diyos na sumasainyo.+
5 Patuloy na subukin kung kayo ay nasa pananampalataya; patuloy na patunayan kung ano nga kayo.+ Hindi ba ninyo naiintindihan na si Jesu-Kristo ay kaisa ninyo? Dapat na ganito ang kalagayan ninyo, maliban na lang kung naiwala ninyo ang pagsang-ayon ng Diyos. 6 Talagang umaasa ako na makikita ninyong nasa amin ang pagsang-ayon ng Diyos.
7 Ngayon, ipinapanalangin namin sa Diyos na hindi kayo makagawa ng mali, hindi para magmukha kaming sinang-ayunan kundi dahil gusto naming gawin ninyo ang mabuti, kahit pa magmukha kaming hindi sinasang-ayunan. 8 Dahil wala kaming magagawang anuman laban sa katotohanan; ang lahat ng gagawin namin ay para sa katotohanan. 9 Talagang natutuwa kami kapag mahina kami pero malakas kayo. At iyan ang ipinapanalangin namin, ang maituwid kayo.+ 10 Kaya naman isinusulat ko na ang mga ito habang wala pa ako riyan para hindi ko kailangang maging mabagsik sa paggamit ng awtoridad, na ibinigay sa akin ng Panginoon+ para magpatibay at hindi para magpahina.
11 Bilang panghuli, mga kapatid, patuloy kayong magsaya, magpaakay sa tamang landas, maaliw,+ magkaisa sa kaisipan,+ at mamuhay nang payapa;+ at ang Diyos ng pag-ibig at kapayapaan+ ay sasainyo. 12 Malugod ninyong batiin ang isa’t isa.* 13 Binabati kayo ng lahat ng banal.
14 Sumainyo nawang lahat ang walang-kapantay na kabaitan ng Panginoong Jesu-Kristo, ang pag-ibig ng Diyos, at ang mga pagpapala ng banal na espiritu na tinatanggap ninyo bilang kongregasyon.
O “probinsiya.”
Lit., “magpapasalamat alang-alang sa amin.”
O “budhi.”
O posibleng “na alam na alam na ninyo at nauunawaan.”
Lit., “nagpahid.”
O “irekomenda ang sarili namin.”
O “ay inirerekomenda namin ang aming sarili sa konsensiya ng bawat tao.”
O posibleng “pero hindi kami nawawalan ng pag-asa.”
O “pero hindi kami namamatay.”
Lit., “na napakabigat.”
O “di-sana-nararapat.”
O “ministro.”
O “binatâ.”
O “pagpapaimbabaw.”
O “dinidisiplina.”
Sa Griego, ang salitang ginamit ay tumutukoy sa paglapastangan sa mga batas ng Diyos.
Lit., “anak na lalaki at babae.”
O “isang oras.”
O “na bigyan sila ng pribilehiyong magpadala ng tulong bilang paglilingkod sa mga banal.”
O “maaasahan.”
Lit., “kabahagi.”
Tingnan sa Glosari.
O “di-sana-nararapat.”
Lit., “ayon sa laman.”
Lit., “nakikipagdigma ayon sa laman.”
O “na lubusan na kayong masunurin.”
O “na ibinahagi sa amin ng Diyos ayon sa panukat.”
O “asawang lalaki.”
O “kadalisayan.”
O “kapag may nang-iimpluwensiya sa inyo na magkaroon ng ibang takbo ng pag-iisip.”
O “di-sana-nararapat.”
O “sa mga apostol ninyo na parang napakagagaling.”
O “pagbabata.”
O “mga himala.”
Lit., “Batiin ninyo ang isa’t isa ng banal na halik.”